Sabado, Oktubre 25, 2008

Genesis 4

Cain at Abel

• 1 Nakipagtalik ang Tao sa kanyang asawang si Eva; naglihi si Eva at ipina­nganak niya si Cain – sapagkat si­nabi niyang “Nagkamit ako ng isang lala­ki sa tulong ni Yawe.”

2 Pagkatapos, isinilang niya si Abel na kapatid ni Cain. Isang pastol ng mga tupa si Abel, at magsasaka naman si Cain.

3 Pagkaraan ng ilang panahon, nag­handog si Cain kay Yawe ng mga ani ng lupa. 4 At naghandog din si Abel: inialay niya ang mga unang anak ng kanyang kawan at sinunog ang mga taba niyon.

Nasiyahan si Yawe kay Abel at sa handog nito, 5 pero hindi siya nasi­yahan kay Cain at sa handog nito. Ikinagalit na lubha ito ni Cain at siya’y nalungkot. 6 At sinabi ni Yawe kay Cain: “Bakit ka galit at malungkot? 7 Kung gagawa ka ng mabuti, ika’y mama­butihin. Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, nag-aabang sa pin­tuan ang kasalanan. Han­da siyang sugu­rin ka, ngunit ikaw ang dapat maka­pang­yari sa kanya.”

8 Sinabi ni Cain sa kanyang kapatid na si Abel: “Lumabas tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, sinugod ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel at pinatay.

9 Sinabi ni Yawe kay Cain: “Nasaan ang kapatid mong si Abel?” Sumagot siya: “Hindi ko alam. Ako ba ang taga­pag-alaga ng aking kapatid?”

10 Sinabi ni Yawe: “Ano ang ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid. 11 Kaya sum­pain ka at lumayas ka sa lupang ito na bumuka upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid na pinadanak ng iyong kamay. 12 Bungkalin mo man ang lupa, hindi na ito magbubunga pa para sa iyo. Magiging lagalag ka na lumala­boy sa balat ng lupa.”

13 Sinabi ni Cain kay Yawe: “Hindi ko kaya ang parusa sa akin! 14 Pinalalayas mo ako ngayon sa lupang ito, matatago ako sa iyong harapan. Magiging pala­boy ako at maglalagalag sa balat ng lupa, at papatayin ako ng sinumang makakita sa akin.” 15 Sinabi ni Yawe sa kanya: “Kung gayon, kapag may pu­ma­tay kay Cain, makapitong beses na ipag­hihiganti si Cain.” At tinatakan ni Yawe si Cain upang hindi siya patayin ng sinumang maka­kita sa kanya.

16 Lumayo si Cain mula sa harap ni Yawe, at nanirahan sa lupain ng Nod sa silangan ng Eden.

Ang mga anak nina Cain at Set

• 17 Nakipagtalik si Cain sa kanyang asawa; naglihi iyon at ipinanganak si Enoc. Nagtatayo noon si Cain ng isang siyudad kaya tinawag niya iyong Enoc mula sa pangalan ng kanyang anak. 18 Nagkaanak naman ng lalaki si Enoc, si Irad. Si Irad ang naging ama ni Mavael, at si Mavael ang ama ni Metusael, at si Metusael ang ama ni Lamec.

19 Nagkaroon ng dalawang asawa si Lamec, sina Ada at Sella. 20 Isinilang ni Ada si Yabel na naging ama ng mga naninirahan sa mga tolda at nag-aalaga ng mga kawan. 21 Kapatid niya si Yubal: siya naman ang naging ama ng lahat ng tumutugtog ng lira at plauta.

22 Nagkaanak din si Sella – si Tubal-Cain na siyang panday ng lahat ng kasangkapang tanso at bakal. Kapatid na babae ni Tubal-Cain si Noema.

23 Sinabi ni Lamec sa kanyang dala­wang asawa:

“Ada at Sella, pakinggan ninyo ako,

mga asawa ni Lamec, dinggin ang aking mga salita:

sinugatan ako ng isang lalaki at pinatay ko siya,

at sinuntok ako ng isang kabataang lalaki at pinatay ko rin siya.

24 Kung pitong ulit ngang ipaghihiganti si Cain,

si Lamec nama’y pitumpu’t pitong beses.”

25 Muling nakipagtalik si Adan sa kan­yang asawa at nagsilang ito ng isang lalaki, at pina­ngalanang Set, sapagkat sinabi niya Binigyan ako ng Diyos ng lalaking kahalili ni Abel na pinatay ni Cain.”

26 Nagkaroon din ng anak na lalaki si Set na pinangalanan niyang Enos: siya ang unang tumawag kay Yawe sa ngalan niya.


<script type="text/javascript">var _sttoolbar = {}</script><script src="http://w.sharethis.com/widget/stblogger.js" type="text/javascript"></script><script type="text/javascript">stBlogger.init('http://w.sharethis.com/widget/?tabs=web%2Cpost%2Cemail&charset=utf-8&style=default&publisher=a82d6eab-bb39-4666-9e85-f50162bcd06b&popup=true');</script>



Biyernes, Oktubre 24, 2008

Genesis 3

Ang tukso at ang pagkakasala

• 1 Pinakatuso ang ahas sa lahat ng mababangis na hayop na ginawa ni Yawe-Diyos. Sinabi nito sa babae: “Sinabi ba talaga ng Diyos – Hindi kayo dapat kumain ng bunga ng alinmang puno sa hardin?” 2 Sinabi ng babae sa ahas: “Ma­kakain namin ang mga bunga ng mga puno sa hardin, 3 ngunit para sa bunga ng punong nasa gitna ng hardin sinabi ng Diyos – Huwag ninyong kakanin iyon ni hipuin man lang, kung hindi’y mama­matay kayo.”

4 Sinabi ng ahas sa babae: “Hindi kayo mamamatay, 5 ngunit alam ng Diyos na sa oras na kainin ninyo iyon, mamumulat ang inyong mga mata at matutulad kayo sa mga diyos na alam ang mabuti at ma­sama.”

6 Sa tingin ng babae ay katakam-takam ang bunga ng puno at masarap kainin – at tunay na magandang pa­raan upang magtamo ng kaalaman. Kaya pumitas siya ng mga bunga niyon at kumain, at inabutan niya ka­agad ang kanyang asawa na kasama niya. At kumain din iyon.

7 Namulat sila kapwa at nalaman nilang sila ay hubad. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng igos at ginawa nilang tapi.

8 Narinig nila ang yabag ni Yawe-Diyos na namamasyal sa hardin sa ma­lamig na hangin ng hapon. At nagtago sa likod ng mga puno sa hardin ang lalaki at ang babaeng asawa nito upang hindi sila makita ni Yawe-Diyos. 9 Tinawag ng Diyos ang lalaki, at sinabi: “Nasaan ka?” 10 Sumagot siya: “Na­ri­nig ko ang iyong tinig sa hardin at natakot ako dahil ako’y hubad, kaya ako nag­tago.” 11 Sinabi ng Diyos: “Sino ang nag­sabi sa iyong hubad ka? Ku­main ka ba ng bunga ng puno na iniutos kong huwag ninyong kanin?” 12 Sumagot ang lalaki: “Ang babaeng isinama mo sa akin – siya ang nag-abot sa akin ng bu­nga mula sa puno, kaya kumain ako.”

13 Sinabi ng Diyos sa babae: “Ano ang ginawa mo?” Sumagot ang babae: “Ni­linlang ako ng ahas, kaya ako kuma­in.”

Ang hatol ng Diyos

• 14 Sinabi ni Yawe-Diyos sa ahas:

“Dahil sa ginawa mong ito, ikaw ang susumpain sa lahat ng maba­bangis na hayop at iba pang mga hayop! Gaga­pang ka at kakain ng alikabok sa lahat ng araw ng iyong buhay!

15 Pagkakagalitin ko kayo, ikaw at ang babae, ang iyong supling at ang kan­yang supling – dudurugin nito ang ulo mo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

16 Sinabi naman niya sa babae:

“Daragdagan ko ang iyong paghi­hirap sa pagdadalantao, at manganganak ka sa sakit. Kakailanganin mo ang iyong asa­wa, at siya ang makapangya­yari sa iyo.”

17 Sa lalaki ay sinabi niya:

“Dahil nakinig ka sa babaeng asawa mo, at kinain mo ang bunga ng puno na ipinagbawal ko sa iyong kanin, sumpain ang lupa dahil sa iyo! Pag­hihirapan mo ang iyong kakanin sa buong buhay mo. 18 Sa paghahanap mo ng gulay sa pa­rang, mga tinik at dawag ang isisibol ng lupa para sa iyo. 19 Sa pawis ng noo mo mang­gagaling ang tinapay na iyong ka­­kanin hang­gang magbalik ka sa pu­tik yamang doon ka kinuha, sapagkat ikaw ay ala­bok at sa alabok ka babalik.”

20 Pinangalanang “Eva” ng lalaki ang babaeng asawa niya, sapagkat siya ang ina ng lahat ng nabubuhay. 21 Gu­mawa si Yawe-Diyos ng mga damit na katad para sa lalaki at sa babaeng asa­wa nito, at di­na­mitan niya sila. 22 At sinabi ni Yawe-Diyos: “Naging tulad na ng isa sa atin ang Tao, na marunong ku­m­i­lala sa mabuti at sa masama. Hindi niya dapat abutin at pitasin pati ang bunga ng Puno ng Buhay, at kainin iyon at mabuhay habang pana­hon.”

23 Kaya pinalayas siya ni Yawe-Diyos sa hardin ng Eden upang maglinang sa lu­pang pinagmulan niya. 24 At nang ma­pa­layas na ang Tao, naglagay ang Diyos ng mga kerubin at ng isang sumisik­lab na tabak na nag-aapoy sa silangan ng hardin ng Eden upang bantayan ang daang patungo sa Puno ng Buhay.





Komentaryo

Lumang Tipan
Bagong Tipan
<script type="text/javascript">var _sttoolbar = {}</script><script src="http://w.sharethis.com/widget/stblogger.js" type="text/javascript"></script><script type="text/javascript">stBlogger.init('http://w.sharethis.com/widget/?tabs=web%2Cpost%2Cemail&charset=utf-8&style=default&publisher=a82d6eab-bb39-4666-9e85-f50162bcd06b&popup=true');</script>