Huwebes, Oktubre 23, 2008

Komentaryo: Genesis

Matandang Tipan

Makikita ng sinumang babasa sa banal na Aklat na sunud-sunod na mga salaysay ang Matandang Tipan. Parang mas alamat pa kaysa talagang mga pangyayari ang ilan sa mga nilalaman nito, na kinapapalooban din ng mga paglalahad, mga panuntunan sa moralidad at liturhiya, mga pagbatikos, mga salita ng pag-asa o mga hikbi ng pagmamahal. Hindi nga mapasusubalian na isa sa pinakamagandang akda sa pandaigdigang panitikan ang Matandang Tipan.

Sa aklat na ito (na sa totoo’y “mga” aklat) ang Diyos ay nasa lahat ng dako na para bang nasa bawat pahina ang kanyang pangalan. Sinasabi nga sa atin ng Matandang Tipan kung paano inihahanda ng Diyos ang sangkatauhan, lalo na ang bayang Israel, para sa pagkilala at pagtanggap kay Jesus na siyang nagsasakatuparan sa mahiwaga at kahanga-hangang Pakikipagtipan sa mga tao: sa ganito nagsisimula ang Bagong Tipan. Magkalangkap na Salita ng Diyos sa pananalita ng tao ang Biblia. Kaya imposibleng maintindihan ang mga aklat na ito kapag kinaligtaan ang isa sa dalawang ito. Salita ng Diyos ang Biblia, at mga salita rin ito ng mga propeta ng Israel, at daing at pag-asa ng bayang pinili ng Diyos. Hindi isang aklat tungkol sa Diyos ang Biblia kundi isang aklat na ang Diyos mismo ang nagsasalita sa pamamagitan ng mga tagapagpatotoong siya mismo ang pumili mula sa kanyang bayang Israel. Hindi nagkamali ang mga unang Kristiyano sa pagsasabing “Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta sa baha-bahagi at sari-saring paraan, ngunit ngayon sa mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak” (Heb 1:1). Kayat makikita natin sa iba’t ibang aklat kung gaano katiyagang nagpakilala ang Diyos at inihanda ang kanyang bayan sa pakikipagtagpo kay Jesus, ang Anak-ng-Diyos-na-nagpakatao, “sa kanya nananahan ang kapuspusan ng Diyos” (Col 2:9).

Ang pagtuturo ng Diyos sa kasaysayan

Mga pagala-galang pastol pa sina Abraham, Isaac at Jacob nang magpakilala sa kanila ang Diyos; kabahagi sila sa simpleng relihiyon ng iba pang pagala-galang pastol, ayon sa minana nilang pagsasadiyos ng kanilang mga ninuno at pagpipitagan sa ilang dinidiyos ng kanilang mga angkan. Ang pakikipagtagpo nilang ito sa Diyos na Buháy ang naghatid sa kanila ng bagong kamalayan na pinapatnubayan nga ng Diyos ang kanyang pinipili. Waring pinabulaanan ng maraming pagsubok ang pangako sa kanila ng Diyos ngunit sa tuwina’y gumagawa ang Diyos para sa kapakanan ng bayan niyang tapat. Humantong ito sa pagkakaroon ng natatanging relasyon ng Diyos at ng mga patriyarka, na kakikitaan ng katapatan ng Diyos at ng matatag na pagtitiwala ng kanyang bayan. Dahil sa kanila, namulat ang Israel upang makita ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos para sa kanyang mga hinirang at ang matatag na pananampalataya ng mga patriyarka. Pagkaraan ng anim na dantaon, nasa disyerto ang mga inapo ng mga patriyarka sa pamumuno ni Moises papunta sa Lupang Pangako. Susi sa kanilang karanasan ang pagtigil nila sa Horeb: doon magkakaroon ng isang karanasang espirituwal ang mga angkan ng mga pagala-galang pastol, at ito ang laging babalik-balikan ng mga teksto ng Biblia. Buong katapatang ibinigkis ng Diyos ang kanyang sarili sa kanyang bayan kasabay ng pagbibigay niya sa kanila ng Batas: ang panuntunan ng pakikipagtipan sa Diyos at ang kalipunan ng mga batas sa personal at pampamayanang asal para sa Israel. Muling maririnig sa mensahe ng Sinai ang salitang sinabi kay Abraham. Pangako, Tipan, Kaligtasan – ang tatlong tungko ng pananampalataya ng Israel.

Sa pagpasok sa Lupang Pangako, naharap ang Israel sa ibang bansang may mas mataas na kultura. Higit na sa dalawanlibong taong may sibilisasyong panlunsod ang mga bansang ito, may mahusay na sistema ng pagsasaka, at pakikipagkalakalan sa rehiyon ng Malapit na Silangan at sa ibayo pa nito. Ang maningning ngunit paganong sibilisasyong ito ang laging magiging batong katitisuran ng pananampalataya ng Israel. Nagpadala naman ang Diyos ng mga propeta sa kanyang bayan; sila ang kanyang mga kinatawan. Isang maliit na bayan sa Canaan ang inokupa ni David at ito ang ginawa niyang kabisera: ito ang Jerusalem. Dinala niya roon ang Kaban ng Tipan, ang nakikitang tanda ng pamamalagi ng Diyos sa kanyang bayan. Mula noon, hindi lamang pumasok sa kasaysayan ng bayan ng Diyos ang Banal na Lunsod kundi lumampas pa ito sa panahon at kasaysayan sa paglitaw nito sa mga huling pahina ng Aklat ng Pagbubunyag bilang larawan ng sangkatauhang ganap na nakipagbalikan na sa Diyos. Isang sentro ng pagkakabuklod – ang “tahanan ng Diyos” – ang ibinigay ni Solomon sa kanyang bayan nang itayo niya ang Templo ng Jerusalem na sa paglipas ng panahon ay kikilalaning tanging lehitimong santwaryo. Ang pagkondena sa di-mabilang na pagtataksil ng Israel, ang pag-alaala sa walang-sawang awa ng Diyos sa Jerusalem, ang pangangailangan para sa katotohanan at katapatan sa pagsamba sa Templo, ang pahayag ng parating na kaligtasan – ang lahat ng ito’y nasa puso ng mensahe ng mga propeta.

Sa pagsasama sa mga aklat na nagtatala sa kasaysayan ng panahong iyon sa “Mga Propeta,” binibigyang-diin ng Bibliang Hebreo ang orihinalidad ng mga tekstong ito. Para sa Matanda at Bagong Tipan, taglay ng bawat pangyayari ang salita ng Diyos: isinasalaysay ang kasaysayan hindi para malaman ang kahapon kundi upang magpatotoong tapat ang Diyos sa kanyang bayan, malaman ang gusto ng Diyos, at nang maihanda tayo sa pagtanggap sa biyaya ng kaligtasan. Kayat masasabing “propetiko” ang bawat teksto sa Biblia.

Sa paglapit ng wakas ng panahon, nag-ibayo ang pagninilay ng Israel. Dinalisay ng maraming pagsubok ang mga pag-asang napakamakamundo. Sa pagdarasal ng Mga Salmo, sa mga may-aral na salaysay at mga kasabihan, sa pagsulong ng sangkatauhan at lipunan, ang mga pantas ang gumabay sa Israel sa mga huling yugto ng paglalakbay nito patungo sa Magsasakatuparan sa lahat ng bagay. Maaaring hindi kasimbuo ng Batas o Mga Propeta ang Kasulatan ng Karunungan na bumubuo sa huli at ikatlong bahagi ng Matandang Tipan; sa katunaya’y ito ang pagninilay ng isang bayang balisa at kalimita’y hati-hati. Iyon ang panahon nang bumuo ang Diyos ng “isang maliit na nalabi” para sa kanya mula sa isang bansang naakit at natangay ng mga tukso sa kapangyarihan at ng di-pagkakilala sa kaharian ng mundong ito at sa Kaharian ng Diyos.

Ang Batas, Mga Propeta at Mga Akda

Ang 46 na aklat ng Matandang Tipan ang bumubuo sa una at mas makapal na bahagi ng dalawang bahagi ng Biblia. Tungkol ito sa unti-unting paghahanda sa Israel para sa tunay at walang-hanggang Pakikipagtipang pagtitibayin ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesukristo.

Kung paanong nagkakaiba’t iba ang pag-uuri sa mga aklat sa isang aklatan ayon sa nag-uuri sa mga ito, gayon din nauuri ang 46 na aklat ng Matandang Tipan mula sa mga unang dantaon ng panahon ng Kristiyanismo. May dalawang pag-uuring pinagpipilian ang mga editor ng Biblia sa kasalukuyan, na pinakamalimit gamitin sa mga manuskrito noong unang panahon: ang kaayusan ng Bibliang Hebreo o ang kaayusan ng Bibliang Griyego.

Ang kaayusan ng Bibliang Hebreo ang sinusunod natin sa kabuuan ng kasalukuyang edisyong ito ng Biblia ng Sambayanang Pilipino. Kaya nasa simula ang unang limang aklat ng Matandang Tipan na tinatawag na Batas, Torah para sa mga Judiong Hebreo ang salita at Pentateuko naman para sa Judiong Griyego ang salita. Kasunod nito ang Mga Aklat ng Mga Propeta, at sa dakong huli’y ang Mga Aklat ng Karunungan, na kalipunan ng mga akda na may iba’t ibang paraan ng pagkasulat na nagbubuklod sa atin sa panalangin, karunungan at moralidad ng bayan ng unang tipan.

I

llustration of Genesis INTRODUKSYON SA GENESIS

Mga Simula ang kahulugan ng Genesis. Hindi ibig sabihi’y ito ang pinakamatandang aklat ng Biblia, kundi sa aklat na ito inilalahad sa atin ang tungkol sa mga ninuno ng bayang Israel: kabanata 12-50. Binibigyan din tayo ng panimulang pananaw sa gawang pagliligtas ng Diyos sa mundo: kabanata 1-11.

Kabanata 12-50

Sa kabanata 12 nagsisimula ang pag-alaala sa mga Patriyarka o mga ninuno ng Israel. Nasa simula ng Banal na Kasaysayang ito na magpapabago sa mundo ang pamilyang sumasam­palataya: si Abraham at ang kanyang mga anak. Mga nomad sila o mga taong walang sariling lupa at sa mga tolda lamang nakatira. Kasama nila ang kanilang mga tupa at mga asno, at laging naghahanap ng balon at pastulan para sa kanilang mga kawan. Ang mga nomad na ito na hinahamak ng mga tagalunsod at taganayon ang tumanggap sa pangakong Lupa at Pagpapala para sa lahat ng tao sa daigdig.

Kabanata 1-11

Isinulat ang mga unang kabanata ng Genesis para ituro sa atin ang kahulugan ng kasaysayan at ng mundong ating ginagalawan. Para saan ang sanlibutan? Ano ang tao? Para saan ang kamatayan? Hindi ito naglalahad ng kasaysayan ayon sa modernong pagkaunawa dahil hindi ito paglalarawan ng mga pangyayari at bagay-bagay na pangkasaysayan. Gayunpaman, ipina­hi­­hiwatig ng mga kuwentong ito na ang sangkatauhan ay saklaw ng iisang karanasan sa pagdanas nila ng presensya ng Diyos. Sina Adan, Eva, Noe ay ang sangkatauhan ng kahapon at ngayon: patuloy pa nating isinasabuhay ang kanilang dula.

Sino ang sumulat ng Genesis?

Hindi lamang isang manunulat kundi marami. Sa panahon ni Haring Solomon (ikasampung dantaon bago dumating si Kristo), isang di-kilalang manunulat na tinawag na Yawista ang sumulat ng unang kasaysayan ng Bayan ng Diyos na nagsimula sa kuwento ng Paraiso. Maaaring siya rin ang sumulat sa malaking bahagi ng kasaysayan ni David sa mga aklat ni Samuel.

Para makasulat tungkol kay Abraham, ginamit niya ang maraming alaala at mga alamat na bukambibig na ipinapasa ng mga Israelita sa mga sali’t salinlahi. Para sa unang bahagi ng Genesis na hindi naman talagang naglalahad ng kasaysayan, ginamit niya ang literatura ng Babilonia. Maraming dantaon nang may mga tula ang mga ito tungkol sa unang mag-asawa, nawalang paraiso, ang baha… Ginamit niya ang ilan sa mga ito pero kanya ring lubos na binago upang maipahayag ng mga istoryang ito bilang paghahambing ang mga plano ng Diyos sa kanyang sangnilikha.

Sa ika-9 na dantaon bago dumating si Kristo, isa pang manunulat na tinatawag namang Eloista ang sumulat sa mga alaala ng mga Patriyarka at ni Moises. Madalas niyang inuulit ang isinalaysay na ng Yawista sa naiibang paraan. Pagkatapos ay pinag-isa ang dalawang istoryang ito; may mga pagkakataong pinaghahalo ang mga pangungusap mula sa dalawang awtor kapag parehong pangyayari ang kanilang ikinukuwento.

Nang bumalik ang mga Judio mula sa Pagkatapon sa Babilonia pagkaraan ng mahabang panahon (ika-5 dantaon bago dumating si Kristo), maraming talata ang idinagdag ng kanilang mga pari na inilalagay naman natin dito nang pahilig. Sila ang sumulat sa tula ng pitong araw na paglikha, na siyang simula ng Genesis at ng buong Biblia.

Genesiis Komentaryo

1.1 Saligang aral ang itinuturo ng mga tanyag na talatang ito. Ngunit hindi ito dapat basahin bilang “ang” pangwakas na salita sa pag-unawa sa sanlibutan. May kanya-kanyang kuwento ng simula ng mundo ang matatandang relihiyon at gayundin naman ang Biblia. Pero may sasabihin pa ang Biblia, at ito’y sinasabi sa hindi tinitingnan ng marami: sa Bagong Tipan.

Para mahayag ang misteryo ng Diyos na Maylalang, kailangang hintayin ang pagdating ni Kristo: tingnan ang Jn 1 at Ef 1.

Ilang Malinaw na SAGOT tungkol sa saligan ng Pananampalataya

Nang simulang… Hindi tahasang sinasagot ng salaysay ang katanungan ng kasalukuyan: May Diyos bang lumikha sa daigdig? Ipinala­lagay na nito na meron nga. Pero gusto muna nitong ituro na binigyan ng Diyos ng kaayusan ang kanyang nilikha.

Mahalaga ito sa atin. Sandaang taong mahigit nang ninais paniwalaan ng marami – pati na ng mga may kaalaman sa siyensiya – na nalikha ang daigdig sa “tsamba” o di-sinasadyang pagka­kataon. (Walang ka­tuturan ito.) O nalikha ito ng mga batas ng kalikasan, na parang mga diwa­tang nahulog mula sa langit para ipaliwanag ang di-maipaliwanag: ang katuturan, kaa­yu­san at kagandahan sa sanlibutan. Ngunit nakita ng mga tao ang sarili nila na kaharap ang isang san­­li­butang walang-saysay, at doon ang tao ay isa lamang tsonggong nagkadiperensiya. Tatarukin ng buong Bib­lia ang kahulugan ng sanlibutan at ng kasaysayan. Minasdan iyon ng Diyos at iyon nga ay mabuti. Kung sa mundo’y may masama man sa tingin natin, bunga marahil ito ng hindi natin pag­kaintindi rito. At kung talaga nga itong masama, ang dahila’y may ibang na­kialam – ang tao o ang demonyo kaya (Kar 1:14, 11:20; Sir 13:1; Jaime 1:17).

Sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Isina­sa­ayos ng Diyos ang daigdig at ang ating buhay. Pagmas­dan kung paano inilagay ang araw at buwan hindi lamang para magbigay ng liwanag: nagsisilbi ring pa­nu­kat ng panahon ang mga ito at nagiging batayan ng kalendaryo. Walang buhay ng tao o pamilya na walang mga kapistahan, disiplina at takdang oras ng pagbangon at pagtulog, paggawa at pagkain. Hinati ng mga Hebreo ang daigdig sa tatlong rehiyon: langit, lupa at mga tubig. Nadidiskubre natin ang ganitong kaayusan: mga araw 1 at 4, 2 at 5, 3 at 6. May kanya-kanyang takdang oras ang lahat: sinusundan ng mas mataas na uring mga nilalang ang mga mas mababa, at ang tao ang pinakahuli.

Lalangin natin ang tao na ating larawan. Sa piling ng mga hayop na nakatungo sa lupa, ang tao’y lumalakad nang tuwid at nakatunghay sa langit. Tanging siya lamang ang nag-aaral, naka­aalam at nagmamahal. Siya lamang ang may kama­layan: ting­nan ang magandang paliwanag sa Sir 17:1-13. Igini­giit ng Biblia na ginawa ng Diyos ang tao na ating larawan at kahawig. Gusto niya ng isang makikipag­mahalan at makikipag-usap sa kanya. At sinasabi ng Biblia kung paano inilaan ng Diyos ang kanyang sarili sa sangkatauhan.

Nilikha niya silang lalaki at babae. Kapag sinasabi ng Biblia na nilikha ng Diyos ang tao, hindi nito sinasabing ang lalaki o ang babae, mag-isa, kundi ang mag-asawa.

Dito natin kailangang iwasang muli ang mga pinasimpleng larawan ng mga materyalistang haka-haka: ang pagkakaiba ng kasarian ay hindi na hihigit pa sa resulta ng “tsamba” o di-sinasad­yang pagkakataon sa pagbabago ng chromosomes, at nagkataon din lamang na nagkaroon ng pag-ibig pagkatapos ng pagka­kaiba ng kasarian. Ngunit nasa unang lugar ang pag-ibig ayon sa plano ng Diyos, at paghahanda para rito ang mahabang ebolusyon ng sekswalidad.

Bilang larawan ng Diyos, ang tao ay kanyang lingkod at katiwala sa pamamahala sa mundo: Sila ang makapangyari (Sir 17:4).

Magparami at punuin ang lupa. Ibinibigay sa kanila ng Diyos ang kanyang pagpapala. Parang parehong mga salita ang kanyang ginagamit pero magiging iba ang kaso nila. Bagamat pag­papala ng Diyos ang pagkakaroon ng maraming inapo, hindi ibig sabihi’y paramihin ang lahi sa iresponsableng paraan: tingnan ang Sir 4:11, kung saan pinupuri ang mga pamilyang may mga anak na edukado, kapaki-pakinabang at mabuti sa mata ng Diyos.

Siyempre, hindi dapat magsilang ng mga anak ang mga magulang nang hindi pinag-iisipan kung paano ang mga ito tatanggapin at papa­pag-aralin at nang sa gayon ay madiskubre nila, sa pama­magitan ng kani­lang mga magulang, ang pagma­mahal ng Ama. San­libong beses na ipagugunita sa atin ng Biblia na ang bansang wala nang mga anak ay naligaw ng landas ng pagpapala ng Diyos.

Ang maniwala naman na ang kailangan munang isipin ay ang pagbabadyet ay di pagsa­alang-alang sa ebanghelyo.

Sa ikapitong Araw, nagpahinga ang Diyos. Tina­tawag ng mga Israelita ang araw na ito na “Sabbat” na ibig sabihi’y “pahinga”. Ang pag­tupad nito ay isa sa mga haligi ng kanilang relihiyon. Ang pahingang ito ng Diyos ay hindi nangangahulugang mula sa araw na iyon, titingnan na lamang ng Diyos ang kanyang likha mula sa malayo (Jn 5:17). Kundi, ang sang­nilikha ng Diyos pati ang gawa ng tao ay patungo sa walang-katapusang araw ng ating pahinga sa Diyos at paki­kibahagi sa kanyang kaligayahan. Tingnan ang Heb 4:1-10 at ang paliwanag sa Ex 20:8.

Hindi lamang pinagpapala ang Sabbat kundi gina­gawang banal din ito. Ang ugat ng salitang Hebreo na ito ay: putulin, ibukod. Ang ikapitong araw ang araw na nakabukod sa iba, itinabi, iba. Iba para sa mga tao na hindi obligadong mag­trabaho: May panahon sila para makita, maka­tagpo ang iba at ang kanilang sarili. Ang sinu­mang magsasaalang-alang sa Sabbat ng Di­yos ay makikinabang nito ayon sa mga pangako ng Diyos (Is 56:4; 58:13).

HUWAG GAWING literal ANG pakahulugan

May mga taong naniniwala na idinikta ng Diyos ang mga linyang ito at walang ginawa ang banal na awtor kundi isulat lamang ito nang walang binabago ni isang letra man sa sinabi ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang pagkasulat sa Biblia. Tinulungan siyempre ng Diyos ang manunulat para mabuo ang tula ayon sa gusto ng Diyos at makapagturo sa mga tao sa lahat ng panahon. Ngunit hindi nito hinahadlangan ang pagsulat ng awtor para sa mga tao ng kanyang panahon at ang pakikipag-usap niya sa kanila sa paggamit ng mga larawan at ekspresyong ayon sa kanilang kultura. Para naman sa atin na nagbabasa ngayon ng Biblia, kaila­ngang pumasok tayo nang kaunti sa kulturang iyon at mga ekspres­yong iyon, kung gusto nating maintin­dihang mabuti ang mensahe ng awtor.

Unang Araw, Ikalawang Araw… Dapat ba nating isipin na katulad ng mga araw ngayon ang anim na araw na ito – samantalang hindi pa nililikha ang araw?

Sa totoo’y isang dula ang gustong ipakita ng awtor tungkol sa paglikha kung saan ilang ulit na bumababa ang telon at nagpapalit ng mga tauhan. Itinatayo ng Diyos ang sanlibutan na magiging Templo niya at solemne ang ginagawa niyang pagtatayo nito, isa-isa, gaya ng isang maayos na seremonya. Binibigyan ng kanyang papel ang bawat bagay at bawat nilalang.

Inayos ng may-akda ang seremonyang ito sa loob ng anim na araw para mapatapat ang Sabado na ika­pitong araw sa Araw ng Pahi­ngang nakatalaga sa Diyos para sa mga Judio. Kayat makapagpapa­hinga ang Diyos na pinupuri ng kanyang nilikha. Ito ang layunin ng sanli­bu­tan at ng sangkatauhan. Tinawag na Sabado o Pa­hinga ng mga Israelita ang araw na iyon at itinuring na pinakahaligi ng kanilang relihiyon ang pagsunod dito.

Magkaroon ng matibay na sahig sa pagitan ng mga tubig (6). Noong panahong iyon, hindi pa alam ng mga tao na ang mundo ay isang planetang umiikot sa araw. Akala nila’y lapad ang mundo, gaya ng isang plaka, na nakapatong sa mga haligi. At nakatayo naman ang mga haliging ito sa mga tubig sa ibaba na naka­palibot din sa mundo at bumubuo sa mga dagat (tingnan Job 38:4-10). Sa itaas nama’y may malawak na sahig o kisameng asul, ang langit, kung saan nakabitin ang araw at mga bituin. At ayon sa paniwala nila, nasa ibabaw ng sahig na ito ang mga tubig sa itaas na pinag­mumulan ng ulan.

Sa katunayan ang langit na ito’y palapag lamang para sa kanila ng isa pang mundo na tirahan ng Diyos at ng mga anghel. Ang lahat ng umiiral ang ibig sabihin ng langit at lupa sa Biblia: ang daigdig ng mga bagay na nakikita at ang mas mainam na daigdig, na siyang pinag­mumulan ng mga pangunguna: “Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.”

Minasdan iyon ng Diyos at iyon nga ay mabuti. Hindi ikinakaila ng awtor ang pag-iral ng kasamaan sa mundo. Para sa mga Israelita, ang dagat at ka­diliman ang simbolo ng masasamang puwersa sa mundo. Su­balit may kaayusan at hangganan ang mga puwer­sang ito: may hangganan ang dagat, at nagbibigay-daan ang gabi sa liwanag sa paglipas ng bawat araw.

Sinabi ng Diyos: Purong espiritu ang Diyos, wala siyang bibig at di nangungusap sa pama­ma­gitan ng tunog. Ang ekspresyong ito na Sinabi ng Diyos ay nagpapaalaala sa atin na ang Maykapal ang siya ring nagbigay sa atin ng kanyang Salita at Batas.

Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halaman at punong namumunga. Sa mga salitang ito ipinahahayag ng sumulat ang huwaran ng isang mundong di marahas, na ni mga hayop man ay di papatayin. Ayaw ng Diyos na mamatay ang kanyang mga nilikha. Ngunit hahayaan din ito (Gen 9:3) sa pag­­­sa­saalang-alang ng Diyos sa tunay na kalagayan ng taong ma­kasalanan.

ANG PAGLIKHA AT ANG TAO SA KASALUKUYAN

Marami ang nagsasabing may “kontra­diksyon” ang sinasabi ng Biblia sa natutuklasan ng siyensiya. Sa katunayan nga’y parami nang parami ang sinasabi ng modernong siyensiya tungkol sa simula ng sanlibutan (tingnan Ang Panahon ng Paglikha, p. 7) ngunit hindi niyon ito maipaliwanag. Pero hindi na nito isina­sa­isantabi ang paglikha.

Nasabi na natin ang kahulugan ng anim na araw: hindi ito“kontradiksyon”sa palagay na ang sanlibutan ay nabuo sa loob ng milyung-milyong dantaon. Sa nakalipas na siglo, inakala ng mga tao na kakatwa ang pagtukoy ng Biblia sa liwanag gayong hindi pa naba­bang­git ang araw at mga bituin, – ngayon, nama­mangha tayo na umaayon ito sa modernong teoriya ng sanlibutan. Pero bakit tayo magtatagal sa gani­tong mga diskusyon? At kung may magtataka at ang istorya ay hindi siyentipikong pagpapaliwanag, masasabi nating ang Biblia ay Salita ng Diyos para ituro ang ating pananam­­pa­lataya at hindi para ipalit sa siyentipikong pag­sisiyasat.

Kadalasa’y may isa pang pagsalungat na ibini­bigay: sa paglalahad sa Diyos bilang siyang lumikha sa mundo at sa tao bilang isang nilalang, kinukundisyon tayo ng relihiyon na mabuhay na sunud-sunuran at nasa ilalim ng tadhana. Ngunit naiiba ang katotohanan: sa pag­sasabi ng Biblia na ang Diyos ang Maykapal sa lahat at una sa lahat, di­na­­dakila nito ang tao na hindi nat­sam­bahan la­mang kundi galing mismo sa Diyos.

Pinalalaya ng Biblia ang espiritu ng tao. Nani­niwala ang mga tao noong unang panahon na depende sa mga kapristo ng kanilang mga diyos ang kapalaran ng tao. Maging ang mga Griyego na labis ang pagma­malaki sa kanilang kalayaan ay yumuko sa talaga ng tadhana na di mata­takasan ninuman. Sa mga pama­ya­nang iyon, ang mga pagsisikap ng tao para paunlarin ang kanyang kapangyarihan ay napara­lisa ng takot na baka masaktan nila ang mga diyos na iyon na may hawak sa mga puwersa ng kalikasan. Alam ng marami ang alamat ni Prometeo: pina­rusahan siya sa pagkaka­diskubre o “pagna­nakaw” niya sa apoy na pag-aari ng mga diyos at sa pagkakabigay niya nito sa mga tao na mga kapatid niya.

Ngunit isang taong hindi nanginginig sa nata­tagong lakas ng mga bituin (ang mga ilawang nag­lilingkod sa Diyos!) ang hinuhubog ng Biblia, at wala siyang takot sa anumang sumpa ng kapala­-ran sa pagsisiyasat niya sa mga hiwaga ng sanlibu­tan. Di ba’t Kristiyano ang unang taong lumakad sa buwan?

Sinasabi ng Biblia na galing sa Diyos ang tao. Hindi lamang ang unang tao kundi lahat ng taong isinilang sa mundong ito: hindi tayo tsambang pro­dukto ng mga pawang batas ng kalikasan. Inayos ng Diyos ang mga pangyayari at mga pagtatagpo na huhubog sa ating pagkatao: kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng lahat ng taong gumising sa ating espiritu.

Lumilitaw ang tao sa Ikanim na Araw. Mula sa sandaling iyon, para bang ibinibigay na ng Diyos ang papel sa paborito niyang nilikha, ang tao. Patuloy na nililikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng mga kamay, utak at puso ng tao. At habang gumagawa at lumilikha ang tao, nalilikha rin naman mismo ang kanyang sarili. Itinatayo ang sangkatauhan sapagkat – huwag nating ka­limutan – ang “tao” ay nanga­nga­hulugan sa Biblia ng hindi lamang mga indi­bidwal, na bawat isa’y kilala ng Diyos, kundi pati ng buong sang­katauhan na tinawag para maging iisang ka­ta­wan.

ISANG MENSAHENG PROPETIKO

Bigyang-pansin ang pagkakatulad ng unang pahina ng Biblia sa ebanghelyo ni Juan. Dalawang dantaon ang naghihiwalay sa dalawang tekstong ito, pero parehong salita ng Diyos at nagbibigay-liwanag sa isa’t-isa. Sinasabi ng Genesis: Sa simula sa pagtukoy sa paglikha na wari’y nasa panahon at bukod sa Diyos, pero gayundin ang sasabihin ni Juan: Sa simula sa pagtukoy sa buhay na nasa kaloob-looban ng Diyos na di saklaw ng panahon kundi nabubuhay sa kapus­pusang walang pag­babago na tinatawag nating kawalang-hanggan niya. Doon ay walang bago pa man o pagkatapos, walang panahong itinatagal, walang pagkapagod o pagkabagot.

Sa simula isinilang mula sa Diyos ang Anak ng Diyos, at nagmumula naman ang Espiritu sa Ama at sa Anak. Ngunit alam natin na patuloy pa ang simulang ito at hindi lumilipas; sa pagbabalik ng Anak at Espiritu sa kaisahan sa Diyos-Ama para magkasamang tama­sahin ang kataas-taasang pag­pa­pala, walang paglipas ng pana­hon.

Sa simula ay isinalamin ng Diyos ang kanyang sarili sa kanyang Anak na kanyang Larawan at Ningning (Col 1:15 at Heb 1:3); sa simula rin ipinamamahagi sa sanlibutan ang mga yaman na nakita ng Ama sa kanyang Anak. Kaya isang pagpapahayag ng malalim na misteryo ng Diyos itong sanlibutang ang sukat at edad ay hindi mailarawan ng ating isip. Doon ga­ga­napin ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ang sagra­dong kasaysayan kung saan tutuparin ng Diyos ang isang walang-hanggang pagnanais: ang kanyang kalooban na mahalin tayo, akayin sa kaganapan at pag-isahin kay Kristo.

Sasabihan tayo ng Ebanghelyo tungkol sa isang bagong pagsilang ‘sa tubig at sa Espiritu’, ngunit nga­yon pa ma’y nagtatrabaho na ang Espiritu. Sinabi natin sa talata 2 na maaaring sabihing hangin sa halip na Espiritu. Puwedeng isinasaalaala ng salaysay na ito ang isang matandang tradisyon kung saan ang hininga ng Diyos ay lumilibot sa ibabaw ng nagngangalit na dagat, at mula rito lilitaw ang daigdig. Sa katu­nayan, isinulat ito ng mga paring Judio, matapos magpahayag sa loob ng maraming taon ang mga propetang kina­sihan ng Diyos: kaya alam na noon pa na ang hininga ng Diyos ay ang kanyang Espiritu. Naroon na sa simula pa ang Espiritu at ang Salita, at sinasabi na ang mang­­yayari pa; pag dumating na ang anak ng Diyos, na kanyang Salita, ibibigay ang Espiritu upang tayo’y lik­hain o likhain nang panibago sa larawan ng Diyos (Ef 2:15; 4:24).

Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang la­rawan at kahawig. Ito ang taong nabubuhay sa grasya ng Diyos (Ef 2:15, 4:24). Ngunit binubura ng ating mga kasalanan ang larawan ng Diyos sa bawat tao at sa lipunang ating itinatayo, isang lipu­nang kasakiman at karahasan ang naka­pangyayari. Kaya dumating ang Anak sa sarili niyang ta­hanan (Jn 1:11) para ibalik ang pagkakahawig na ito.

Kanyang larawan at kahawig. Isa ito sa mga pangunahing pahayag ng Biblia. Walang makakaisip maghanap ng isang personal na relasyon sa Diyos kung ang kanyang kadakilaan lamang o lahat ng pagkakaiba niya sa atin ang tanging pag-uukulan natin ng pansin. Bakit nga ba pagkakaabalahan ng Walang Hanggan ang mga langgam na gaya natin sa na­paka­lawak na sanlibutan? Subalit pagkakahawig ang sina­sabi ng Biblia. Nangangahulugan ito na inaakay tayo ng mga landas ng Katotohanan, Kagan­dahan, Kata­patan tungo sa Diyos na Walang-Hanggan. Ibinibigay ng Diyos ang kanyang Salita at nakakaunawa tayo nang kaunti.

Sa gayon, natatakasan natin ang mga walang pag-asang kongklusyon ng modernong piloso­piya: nawa­lan ito ng Diyos kaya wala nang katotohanang masa­sandigan. Samantalang marami sa mga kapana­hon natin ay nag-aaka­lang sila’y malaya sapagkat nawalan na sila ng dahilan para mabuhay at umasa, ang Biblia naman ay nagbibigay ng kabuluhan sa buhay.

Tinutulungan tayong makibahagi sa misteryo ng Diyos sa dulo ng landas kung saan tayo’y nagiging “katulad niya”: sinasabi ng Bagong Tipan na ang landas na ito ay ang pag-ibig.

Kayo ang makapangyari. Sa kabila ng kahinaan ng tao, pinili ito ng Diyos para maging tagapag-ugnay sa kanya at sa sanlibutan. Sa unang sandali pa lamang ng paglikha, plano na ng Diyos na maging tao ang kanyang Anak (Ef 1:1-14). Siya ang tinutukoy ng mga salita sa Salmo 8: Sino ang tao na sukat mong ala­­lahanin? Pinutungan mo siya ng luwalhati at ka­rangalan at ibinigay sa kanya ang gawa ng iyong mga kamay. (Tingnan 1 Cor 15:24.)

Nagpahinga ang Diyos sa Ikapitong Araw at pinabanal iyon. Hindi nagtatapos ang paglikha sa paglitaw ng taong nagtatrabaho kundi sa Pahi­ngang inihanda ng Diyos para sa kanya (Heb 4:3). Pina­sinayaan ni Jesus ang Pahingang ito sa pagkabuhay niya sa araw na kasunod ng Araw ng Pa­hinga. Ito ang dahilan kung bakit pinili ng mga apostol ang Linggo para sa lingguhang pagtitipon ng mga Kristiyano, at iniwan ang Araw ng Pahinga sa mga Judiong hindi naniwala kay Kristo.

2.4 Pagkatapos ng solemneng awit tung­kol sa paglikha sa sanlibutan na nasa unang kabanata ng Genesis, isa namang mas matanda pang salaysay ang ibinibigay sa atin ngayon ng Biblia: si Lalaki at si Babae sa hardin ng Eden.

Maihahambing ang kuwentong ito sa mga talinhaga ni Jesus, lalo na sa talinhaga ng amang nag­hihintay sa pagbabalik ng waldas na anak at sa talinhaga ng haring nangumbida sa kanyang handaan. Inilalarawan si Yaweng Diyos na Banal, bilang may-ari ng isang napakagandang halamanan (Lugod ang ibig sabihin ng Eden) kung saan niya gustong maglakad-lakad paglamig ng init ng araw (3:8). Hindi na kailangang mag-isip pa ng napa­kalaking entablado: dalawang puno lamang ang naroon, si Lalaki at ang kanyang kasamang babae. Pinadaraan lamang ang mga hayop para mapasailalim kay Tao (ito ang kahulugan ng pagbibigay niya ng pangalan sa kanila sa 2:20). At hindi naman nangangailangan ng masyadong lugar ang ahas-Demonyo sapagkat sa puso ni Tao ito na­ka­kanlong. Pero napakaliit man ang Eden ng mag-asawa, ang nangyayari roon ang sa dakong huli’y magtatakda sa kapalaran ng sangka­lupaan. Kaya sa simula pa’y sinasabi nang ang maliit na bukal ng Eden ang nagbibigay ng tubig sa malalaking ilog ng daigdig, lalo na sa Eufrates at Gihon na libu-libong kilo­metro ang agwat sa isa’t isa.

Adan ba o Tao ang dapat nating sabihin? Sa Hebreo, ang sinumang tao ang ibig sabihin ng Adan. Kapag ginagamit ang salita bilang pang­ngalang pantangi at walang pantukoy (halim­bawa’y sa 5:1 at 5:3), sinasabi nating Adan. Subalit “ang” Adan ang sinasabi rito ng Biblia, na ibig sabihi’y ang Tao. Ala­­lahanin natin tungkol dito ang salita ng magaling na biblistang si Origenes na nabuhay sa ikatlong dantaon. Isinulat niya: “Tungkol naman kay Adan at sa kanyang kasalanan, ang mga naka­aalam lamang na ang tao ang kahulugan ng Adan sa wikang Hebreo ang siya lamang maka­uunawa sa malalim na kahulugan ng istoryang ito! Sa mga talatang ito na inilalahad bilang istorya ng isang nagngangalang Adan, ibinibigay ni Moises ang kanyang aral tungkol sa kalikasan ng tao.” Kaya si Adan ang kumakatawan para sa buong sang­ka­tauhan: ikaw rin si Adan.

Ang simple at walang pasikut-sikot na kuwentong ito ay puno ng malalalim na salita at maka­­­diyos na aral. Bigyang-pansin ang pag­hubog ni Yawe sa putik sa sarili niyang mga kamay. Magaling siyang manlililok at mahusay sa sining. Minamasdan ang hindi pa naka­kikilala sa kanya at inihahanda ito para matang­gap mula sa kanyang pag-ihip ang hininga at buhay. Tung­kol sa hininga ng buhay o kaluluwa ng tao, ting­nan ang talata 83 sa Index: Ang Aral ng Biblia.

Putik na pula, “adama” sa Hebreo, ang ipina­gu­gu­nita ng pangalang Adan: alabok ang tao, ngunit kai­langang tumugon siya sa Diyos gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok.

Ang pagkakatugma ng tao sa sanlibutan ay ipina­hihiwatig din ng makalupang paraiso. Para siyang nasa isang oasis doon, sa gitna ng disyerto, at dapat mamu­hay nang walang takot sa kamatayan. Sina­sagisag naman ng pagka­kaisa ng mag-asawa ang pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Buhay ang tao ngunit kung kaugnay ng Diyos lamang. Ang hininga ng Diyos ang laging gumigi­sing sa tao upang hindi ito makatulog o mabuwal sa kan­yang pinagmulan. At siya ang naging pina­ka­matalino, pinakamalupit at lubhang di mapalagay sa lahat ng hayop. Iisang salita lamang sa wi­kang Hebreo ang hininga at kaluluwa: ang Espi­ritu ng Diyos na nag­pa­panatiling nakatayo sa tao. Sa oras na iwan ng Espiritu ang tao, mga ilang minuto lamang o ilang salinlahi’t babalik ang Tao sa ala­bok. Ang Tao, ibig sabihi’y ikaw at ako, o ang pamilya o lipunan. Kaya binibigyang-pansin ng mga pilosopo na pagkatapos ng ika-19 na dantaon na saksi sa matitinding pahayag na patay na ang Diyos, ang ika-20 dantaon naman ang sa kamatayan ng tao, pati na ang kaguluhan at kawalang-pag-asa, ang mga digmaan at pandaigdigang gutom.

Kailangang ibalik ng tao sa Diyos ang lahat ng tinanggap niya mula sa Diyos, lalo na ang kanyang hininga. Nanganga­hulugan din ito ng kamatayan at pagsa-Diyos ng Tao: tingnan ang halimbawa sa Mt 27:50. Nang likhain tayo ng Diyos, ang ginusto niya ay hindi ang kamatayang nalalaman at nauunawaan natin kundi ang pinto lamang ng kanyang hardin na doon ay siya ang lahat.

Inilagay ang Tao sa hardin para bungkalin iyon: Uunlad ang sangkatauhan sa pagtatrabaho nito sa mundo. At kinailangan siyang magtrabaho nang daan-daang dantaon para lumago at mamunga, at malaman kung ano ito at ano ang puwede rito. Umalis muna si Yawe at naiwan ang Tao sa pagitan ng dalawang puno. Nasa isang tabi ang puno ng Buhay na puwedeng tikman ng Tao habang nasa hardin siya. At habang nararanasan niya ang buhay, alam niyang nasa ka­to­tohanan siya. Ngunit naroon din ang puno ng Kaa­laman tungkol sa Mabuti at Masama; binu­buk­san ng Diyos ang landas ng karunungan para sa tao, ngunit malaya ang tao; tatanggapin ba niya na huwag maging panginoon na nakakaalam at nagpa­pasya kung ano ang “mabuti para sa kanya” sa paglupig sa mundo at sa kanyang sarili?

Hindi mabuti na mag-isa ang Tao (2:18). Hindi alam ng Diyos ang pangungulila, at lumi­likha siya ng babae at lalaki hindi dahil ito lamang ang paraang mapipili niya para sa pagsa­salin ng buhay kundi upang itaguyod ang pagmamahalan, ang pagsusuko ng sarili sa isa’t isa at ang pagsasalo sa kasiyahan.

Ngunit ang Tao’y walang natagpuang katulong na katulad niya sa mga iyon (2:20). Inihahanda tayo ng pagdaraan ng mga hayop para madiskubre ang walang-katumbas na kaha­lagahan ng Babae. Dapat maunawaan ng lalaki, na akala’y siya ang sentro ng lahat, na ang babae ay kasama at hindi alila.

Pinatulog ang Tao (2:21) para magawa sa kanya ng Diyos ang ikalawang yugto ng kanyang paglikha. Isang bagay ang mabuhay bilang isang tao pero isang klase ng muling pagsilang ng mag-asawa ang hinihingi ng pamumuhay bilang mag-asawa.

Pareho ang unang pantig ng mga salitang lalaki at babae sa Hebreo. Kinukuha ng Diyos ang babae mula sa tagaliran ni Adan; magiging katabi siya (sa tagiliran) ng lalaki, iba pero kapantay. Ngunit tulad natin, na­limutan ng mga Israelita ang aral na ibinigay sa kanila ng Diyos. Tingnan ang tungkol sa paksang ito; Mt 2:15; Lk 8:11; 1 Cor 7:4; 7:10; Ef 5:31.

‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina.’ Sa ugaling Judio, iniiwan ng asa­wang babae ang kanyang pamilya para sumama sa pamilya ng kanyang asawa. Dito nama’y nais ng sumulat ng Biblia na ang babae at lalaki ay kapwa humiwalay sa kanya-kanyang pamilya para magtatag ng isang bagong panlipunang pagkakaisa.

At sila’y magiging isang laman: nanganga­hulugan ang ekspresyong ito sa Hebreo na magi­ging isa sila. Para sa Biblia, ang pinag-uusapan ay isang maka-Diyos na misyon. Hindi magsisimula ang mag-asawa sa pagpapasarap sa buhay, ligtas at matiwasay, o bi­lang dalawang makasariling tao: ang kanilang pag­kakaisa ay sa pamilya na kinatatagpuan ng pag­ba­bahaginan at paglilingkod, ang pamilya na pundasyon ng bawat lipunan: kung wala ito, mamamatay na lamang nang walang silbi ang mga tao at mga bansa.

Gayunpaman, gunitain natin na, noong unang panahon, kabaligtaran iyon: ang lalaki ang suma­sama sa pamilya ng kanyang asawa. Sa katu­nayan, kapwa nila iniiwan ang bahay ng kani­­lang mga magulang.

Para sa nakararami, ang kasal ang siyang balangkas ng pinagpalang buhay na itinaas ni Kristo sa kara­ngalan ng isang sakramento na tumutulong sa kanilang maghanda para sa pangwakas na pagharap sa Diyos. Isa itong daan na puno ng mga patibong, kinukulong at inililigaw ng sanlibong maling kuru-kuro ng mga kulturang lubhang magkakaiba, maging noong pana­hon ng mga barbaro na kalimita’y inaalipin ang babae, o sa mas sibilisadong mga panahon, na puma­pa­nga­lawa siya sa lalaki, mahal pero mas mababa, pinag­pipitaganang ina pero asawang pinababayaan. Ang mga salita ni Jesus tungkol sa kasal ay kabilang sa mga pinaka-di-maintindihan (Mt 19:10).

Gayunpaman, maliwanag ang kalooban ng Diyos sa matandang tekstong iyon: ang mga taon ng pagsa­sama sa buhay, ang mga pagsi­sikap na makinig sa isa’t-isa, magka­samang umunawa at magpasya, ang ka­ka­ya­hang mag­pa­tawad at manatiling tapat, ang pagba­ba­­haginan ng panganib sa panganganak at pag­pa­pa­aral sa pamilya: ito ang mga paraan na unti-unting nagbabago sa lalaki at sa babae, at nagbibigay-kaka­ya­han sa kanilang magkaroon ng kaganapan at respon­sabilidad. At ito mismo ang nais ng Diyos na makita sa kanila sa katapusan ng kanilang buhay kung kailan magiging lahat siya para sa lahat.

Hubad sila ngunit hindi sila nahihiya, ibig sabihi’y kasundo nila ang kalikasan at ang kanilang katawan. Hindi nila nadarama ang pagrerebelde ng likas na hilig ng katawan at hindi sila asiwa sa harap ng Diyos. Ti­nanggap ng lalaki at babae kung ano sila nang hindi pinagsasamantalahan ang mga kahinaan ng isa’t isa.

ANG BIBLIA AT ANG EBOLUSYON

Paano natin mapagkakasundo ang paglik­hang ito sa tao mula sa putik ng lupa sa sinasabi ng siyensiya tungkol sa ebolusyon ng lahat ng nabu­buhay sa mundo at sa pani­walang sa hayop nag­mula ang tao?

Nasagot na natin ito sa paliwanag sa nagdaang ka­banata. Idagdag natin ang mga sumusunod. Pag inaakala ng mga Kristiyano na may naki­kita silang di-pagkakatugma sa pana­nam­pala­taya at sa pa­nanaw tungkol sa ebolusyon ng mundo, ito’y dahil napapag­kamalan nila ang tatlong magka­kaibang katanungan:
1. May ebolusyon ba ng buong sanlibutan at, sa partikular, ng mga may buhay na nilalang? Masasabi ba natin na ang lahat ng narito pa at naglaho nang mga uri ay bahagi ng iisang pamil­ya at nagsimula sa isa’t-isa? Sa ngayon, oo ang sagot ng lahat ng sumuri sa mga katunayan.

2. Ano ang mga sanhi ng gayong ebolusyon? Alam na ang mga sanhi ng ilang maliliit na ebolusyon, pero hanggang ngayon, talagang im­po­sibleng ipaliwanag ang pinakaimportante: ang ebolusyon ng mga buhay na nilalang. At mula roo’y hininuha ang sagot sa ikatlong kata­nungan.

3. Salungat ba sa pananampalataya ang mga teoriya ng ebolusyon? Hindi siyensiya ang mga haka-hakang ito kundi pilosopiya o ima­hinas­yon, kahit na mga kilalang siyentipiko ang bumabalangkas nito. Ang mananam­palataya o materyalista ay magiging malaya sa paniniwala sa magkasalungat na pananaw.

Ngunit itanong natin ngayon: Sino ba ang sumulat sa pahinang ito ng Biblia tungkol sa unang mag-asawa? Isa sa mga pantas ni Haring Solomon ang sumulat nito. Panahon noon na babagong tatag pa lamang ang bansang Israel. Ang mga manunulat ng Israel na ti­ni­pon ni Solomon ang sumulat sa unang mga sag­ra­dong aklat; naimpluwensiyahan sila ng ka­nilang pana­hon at kapaligiran.

Liwanagin natin: sila ang sumulat sa mga unang aklat ng bayang Israel. Labinlima o dalawam­pung dantaon nang may sariling literatura ang Ehipto at Babilonia na malalaking kalapit-bansa nila: mga alamat, mga tulang panrelihiyon at mga kasabihan. Hindi nagsimula sa wala ang mga pantas ng Israel, kundi ginamit ang matatandang panitikang ito.

Dito isinasalaysay kung paano nilikha ng mga diyos ang mundo, kung paanong nainggit ang mga diyos sa kaligayahan ng mga tao at kung paano nilang pinadalhan ng baha ang mga ito at kung paanong ninakaw sa tao ng isang tusong ahas ang halaman ng kawalang-kamatayan. Gina­mit ng mga pantas ni Solomon ang mga kuwentong ito bilang halimbawa. Ngunit binago nila ang mga alamat na ito upang makapag­pahayag nang tama tungkol sa Diyos at sa tao. Pero kung itatanong natin ngayon gaya ng ginagawa ng siyensiya: paano ba nabuo ang sang­katauhan at ano naman ang kaugnayan nito sa mga hayop? Walang sinasabi ang Salita ng Diyos tungkol dito. Ipinauubaya ng Diyos sa ating talino ang pag­sisiyasat sa mga ito at ito nga ang ginagawa ng mga siyentipiko.

Isang panghuling obserbasyon. Ito ang kahanga-hanga para sa atin: tinatanggap ng bawat isa mula sa Diyos ang espiritung ginagawa ang ating pagka-Ako sa larawan ng Diyos. Hindi na mahalaga kung utang man natin sa ating mga magulang ang ating katawan sa­mantalang minana naman ng mga unang tao ang kanila sa mga hayop na ninuno nila. Ang Diyos ang nagtutulak at nagbi­bigay-direksyon sa lahat ng ebolusyon ng mga maybuhay upang lumitaw ang Tao sa huli. Ang Tao na sa totoo’y una sa plano ng Diyos.

MENSAHE NG PROPESIYA

Hinding-hindi tayo matatapos sa pagpapaliwanag sa mga talatang ito. Gayunma’y hindi natin mauunawaan nang mabuti ang mga ito hanggang hindi natin nakikita na parang mga propesiya pala ang mga ito na naghahanda sa pagpapahayag ni Kristo.

Kung si Adan ang kumakatawan sa buong sang­ka­tauhan na iisa ang pinagmulan at iisa rin ang han­tu­ngan, si Kristo kung gayon ang tunay na Adan. Mula sa simula ng paglikha, nasa isip na ng Diyos si Kristo.

“Kay Kristo” pinagpala ng Diyos ang sangka­tau­hang ito kung saan lumilitaw na walang kamukha ang bawat isa sa atin ngunit hindi naman maihi­hiwalay sa kabuuan (Ef 1:1). “Kay Kristo” at mula sa simula, ini­ligtas na ng Diyos ang ating buong kasaysayan. Marapat nga lamang na alalahanin natin ang una nating ninuno sa laman, pero iba ang siyang mahalaga, ang “Tao”, ang nagbibigay sa atin ng Espiritu at nag­tatayo sa atin sa harap ng Diyos (tingnan 1 Cor 15:45-49).

Ibinibigay sa atin ang mag-asawa bilang tunay na larawan ng Diyos na siya mismong walang-hanggang pakikipagkaisa. Ipinahihiwatig din ng paglikha ng Diyos sa mag-asawa ang misteryo ni Kristo at ang kanyang pagdating sa mga tao bilang asawa ng sangkatauhan (Mc 2:19). Mula sa tagiliran ng na­tu­tulog na Adan isinilang si Eva; mula naman sa tagiliran ng Kristong namatay sa krus umagos ang dugo at tubig (Jn 19:34) na nangangahulugan ng pagsilang ng Iglesyang nilinis sa tubig ng binyag at sa dugo ni Kristo (Ef 5:26 at 31).

3.1 Ipinakikita ng ikalawang bahagi ng ku­wen­tong Eden ang ikalawang mukha ng tadhana ng tao. Pagkatapos ng Kabanata 2 na nagpahayag ng plano ng Diyos, ang nais niya para sa atin, ibinibigay naman ng Kabanata 3 ang tunay at aktuwal na kalagayan ng tao, at itinatanong dito: Kaninong kasalanan?

Pinakatuso ang ahas… Hindi sa Diyos galing ang kasamaan, ni sa iba pang diyos na karibal niya, kundi sa isang naiinggit, kaibigan ng kamatayan (Kar 2:24; Jn 8:44). At gagamitin ng kaaway ang mismong regalo ng Diyos, ang Puno ng Kaalaman tungkol sa Mabuti at Masama.

Magugunita natin na ang salitang “kain” ang gina­gamit ng mga Hebreo para tukuyin ang pagsasaulo ng mga salita ng mga pantas sa pamamagitan ng pag­sasabi nang paulit-ulit: “kinakain ang bunga ng karunungan” (Kas 9:5; Sir 24:26). Ang puno ng kaalaman ay parehong “karunungan” at kalayaan: karunungan na sa Hebreo ay masining na sistema ng pamumuhay at pagtatagumpay (tingnan ang 1 H 3:11), at kalayaan ng tao na nagbubukas sa kanya ng kabutihan at kasamaan, ng buhay at kamatayan (Dt 30:15).

Inilagay ng Diyos ang tao sa isang sitwasyong may salungatan. Iniaalok sa kanya ang karu­nungan samantalang sinasabi sa kanya: Huwag mong kanin. Hindi makakamtan ng tao ang karunungan maliban kung magpipigil siyang agawin ito. Maraming magsasabi: gustong hamakin ng Diyos ang kanyang nilalang, at ipinamamalay niya na ito’y asang-asa sa kanya. Sa isang banda, tama sila. Ang salaysay na ito ay bahagi ng Matandang Tipan kung saan dala-dala ng mga mananampalataya ang bigat ng isang relihiyong mahigpit at sumasakalaw sa lahat: hindi maiaalis sa kanila na makaramdam kahit paminsan-minsan na sila’y pinipilit. Ngunit kung talagang susuriin mo ang mga bagay-bagay, ang pinakamataas na karunungan, na dumadaig sa lahat pang iba, ay ang kaalaman sa mahiwagang pag-ibig ng Diyos (Ef 3:19): walang makaaagaw nito, ito’y purong grasya, kaloob ng Diyos.

Tatlong iba’t ibang yugto ang inilalahad ng sa­laysay: ang tukso, ang kasalanan at ang hatol. Tukso. Inuulit ng ahas sa tao kung ano ang totoo at ang nararam­daman niya sa kanyang kalooban: walang napaka­dakila para sa kanya. Pero pinapag-aalinlangan din niya ang tao sa Diyos.

At dumarating ang kasalanan. Kakatwa itong usapan ng tatlo! Ang babae ang humingi, at ang lalaki ang talagang nagkasala. Ang babaeng manunukso, di ba’t ito nga ang katotohanan, lalo na sa isang daigdig kung saan nakapako siya sa mas mababang kala­ga­yan? Posibleng nasak­sihan ng may-akda sa malayong panahong ito ang pagsasamantala sa kababaihan at ang masining na paraan ng mga taong pinag­sasaman­talahan na kontrolin ang kanilang mga panginoon. Nakita niya na hindi pantay ang paghahati sa kahira­pan kaya inisip niyang ang babae ang unang naging di-tapat. Hindi tatang­gapin ng Diyos ang pagdadahilan ng lalaki pero inaakala ng lalaki na pinag­pa­pa­umanhinan siya dahil may nasisisi siya: hindi naman niya ginusto ang nangyari!

Laging nalilinlang ang makasalanan. Dala­wang detalye ang nagsasaad sa kabaligtaran ng kasinunga­lingan ng demonyo:

– Mamumulat ang inyong mga mata: akala ng tao’y masasakop niya ang Katotohanan; nagi­gising siya at nakikitang hindi siya naging Diyos kundi nadaramang siya pala’y hubad.

– Alam ang mabuti at masama, ibig sabihi’y sila lamang ang magpapasya kung ano ang bagay sa kanila. Sa totoo’y ang mapait na kara­nasan lamang ng pagkakasala ang tangi nilang mapapala.

Nalaman nilang sila’y hubad. Hindi palagay ang pakiramdam ng taong makasalanan sa kanyang sarili. Ang tapi o ano pa mang damit na gagamitin nila para bigyang-dangal ang sarili ay hindi sapat upang maipag­kasundo siya sa sarili. Hindi niya kayang tagalan ang tingin ng Diyos.

Nagtago upang hindi sila makita ni Yawe-Diyos. Bunga ng kasalanan ang takot sa Diyos. Umiimbento ng huwad na larawan ng Diyos ang taong maka­sa­lanan, at ipinapalagay na naiinggit ito sa kanyang kalayaan.

Maraming may gustong ituring ang bunga (ang tanyag na “mansanas”) na sagisag ng isang kasalanang sekswal. Hindi ito ang kaisipan ng Biblia. Ang kasalanan ni Adan ay ang kanyang kagustuhang pagpasyahan sa kanyang sarili ang kanyang tadhana. Ang pinakamabigat na uri ng kasalanan (posibleng iniisip ito ng sagradong manunulat) ay ang mahikang gustong humawak ng kapangyarihan ng Diyos. Ito ang layunin kalimitan ng mga pormulario ng mahika, na naglalaman ng lahat ng kanilang kasamaan: “Sundin ang loob ko!”

Nasabi na natin na si Adan ang kumakatawan sa buong sangkatauhan. Kasalanan din ng kasalukuyan nating sibilisasyon ang kasalanan ni Adan na gustong pagpasyahan nang mag-isa ang kanyang hantungan. Nitong mga huling dantaon, ang pag­sandig sa kakayahan ng tao sa paglutas sa lahat niyang problema ang nagpasulong sa Kanluraning sibilisasyon: ang di kapani-paniwalang pag­sulong ng siyensiya, tekno­lohiya at maunlad na industriyalisasyon. Hindi masama ang lahat ng ito ngunit pinasama ang kulturang ito dahil sa ilusyong wala nang anumang panganga­ila­ngan ang tao.

Hindi na kilala ng tao kung sino siya o kung ano ang kahulugan ng kanyang buhay. At wala siyang naitayo kundi isang mundong mapaniil. Ipinaaalaala sa atin ng kabiguang ito na ginawa tayo ng Diyos para maging mga anak niya at sa sandaling talikuran natin ang ating bokasyon, nagiging Adan tayo na patungo sa kamatayan.

Iba pang mga teksto sa Biblia tungkol sa mga paksang ito:

Ang matandang ahas: Kar 2:24; Jn 8:44; 2 Cor 11:3; Pag 12:9.

Ang maling akala na naiinggit ang Diyos: Mik 6:7; Job 10:13; Mt 25:24.

Paghihimagsik sa Diyos: Is 14:14; Ez 28:2; Dan 11:36; Lk 15:11; 2 Tes 2:4.

Ang tukso: Mt 4; 6:25; Sir 15:11; Rom 7:8; 1 Cor 10:13; Jaime 1:13.

SI ADAN AT ANG WALDAS NA ANAK

Dapat basahin ang Biblia bilang isang buong teksto. Ang kasalanang ito ni Adan sa simula ng kasaysayan ng pagliligtas, na mapait sa ating panlasa, ay kaila­ngang muling bigyang-kahulugan sa liwanag ng Ebang­helyo, kaya dumidiretso tayo sa talinhaga ng “waldas na anak” (Lc 15:11). Ang parabulang ito ay higit pa sa isang alaala ng walang-hanggang awa ng Diyos sa makasalanang bumabaling sa kanya: sinasabi nito sa atin kung ano ang pambihirang karanasan ng tao sa mata ng Diyos, ang pambihirang karanasan ng isang waldas na anak. Ngunit kung sa Genesis ay nadidiskubre ni Adan ang kanyang kasalanan, sa parabula nama’y nadidiskubre niyang siya’y anak.

Hindi alam ni Adan kung ano siya para sa Diyos: kaya iniisip niyang makipagpagalingan sa Diyos. Ngu­nit tinuturuan tayo ni Jesus na maging mga anak at tinutularan ng mga anak ang Ama (Jn 15:19). Si Jesus ang Anak at ginagawa niya tayong mga anak: ito ang pagpapalaya niya sa atin.

14. Ang hatol ng Diyos ay isang paraan ng pagsasabi kung ano ang ating kalagayan…. Namu­muhay si Adan na di kasama ang Diyos, sa dusa at sa­lu­ngatan. Ang tao ang nilalang na meron ng lahat para mapaligaya ang sarili at inaaksaya ang kanyang mga posibilidad. Madudungisan ng kanyang kahihiyan ang mas maiging bahagi ng kanyang buhay:

ang panganganak at pagpapalaki sa mga anak;

ang relasyon ng mag-asawa, ang mas malakas sa dalawa ang siyang nakapang­yayari. Dito nag­mu­mula ang pagsasamantala sa kababaihan na mula pa sa simula’y siya nang “pinakamalaki sa ina­abusong hanay ng mga manggagawa”;

ang trabaho bilang sanhi ng kawalang-kasiya­han. Kayamanan ang hatid nito sa ilan pero hindi ang tunay na kaganapan ng kanilang pag­ka­tao. Para sa iba, ang trabaho ay isang pasanin.

‘Pagkakagalitin ko kayo, ikaw at ang babae.’ Isi­­numpa ng Diyos ang ahas pero hindi ang tao. Hindi maaaring pumalya ang plano: nasa katapusan ang kaligayahan at kapayapaan, pero makakamtan lamang ito ng tao sa nakalilito at malimit ay parang bigong kasaysayan (1 Cor 1:21): ito’y magiging pagliligtas kasama at sa pamamagitan ni Jesus.

‘Dudurugin nito ang ulo mo.’ Iniisip ng sumulat ng Biblia ang mabagal na tagumpay ng bayan ng Diyos laban sa kasamaan: Laging sugatan ang mga inapo ng babae pero inaakay ng Diyos tungo sa bagong pag-asa. Ang pag-asa sa tiyakang pananagumpay sa kasamaan ang nagbibigay-buhay sa buong kasaysayan ng Biblia at pinananatili nito tayong listo sa mundo ngayon kung saan inihanda ang lahat para lasi­ngin tayo ng sanlibong ilusyon ng lipunang konsumerista hanggang sa araw na pumunta tayong walang kamalay-malay sa bahay-katayan.

Pinangangalanan ni Adan ang kanyang asawa – pangako ng bagong pagsisimula. Inaakay naman siya ng Diyos. Ipinagugunita sa atin ng pagkilos ng Diyos sa “pagdadamit kay Adan at Eva” na sinasamahan niya sa kanyang awa ang sangkatauhan sa mga kasawimpalad na dinala nito sa kanyang sarili bunga ng kasalanan.

‘Hindi niya dapat abutin’…. Minsan pang ka­ila­ngang baligtarin ang waring pagkakasunud-sunod ng salaysay. Unang ipinakita si Adan na di sakop ng kamatayan, pero ito ang mithiin, ang wakas na darat­nan natin. Pagkatapos ipinakikita ang Adan na may kamatayan, pero ito ang tunay na kalagayan, ang ating pinagsisimulan. Ang ka­hi­naan at kamatayan ni Adan ay bahagi ng planong pagliligtas ng Diyos. Ang kabu­luhan ng ating buhay ang patuloy na paglago mula sa ating kali­kasang makahayop at may kamatayan – ganito si Adan – tungo sa kabanalan at kawalang-kabulukan ng isa pang Adan, si Kristo (1 Cor 15:45).

HUWAG INTINDIHIN NANG LITERAL

Nabanggit na natin na kinuha ng sumulat ng mga pahinang ito ang ilan sa mga tauhan ng salaysay mula sa matatandang kuwento, tulad halimbawa ng ahas. Pinanatili rin niya ang ilang kakaibang ekspresyon gaya nito: Naging tulad na ng isa sa atin ang tao… na para bang nata­takot ang Diyos sa pakikipagkompetensiya ng tao. Sa palagay ng sumulat ay hindi na kailangang pawiin ang mga may kalabuang ekspres­yong ito na galing sa isang paganong alamat. Gayun­din naman, ang mga kerubim at sumisiklab na tabak na nag-aapoy ay tumu­tukoy sa ilang rebultong nasa may bukana ng mga siyudad para itaboy ang masasa­mang espi­ritu. Ipinahahayag ng mga paghahambing na ito na ang makasalanang sangkatauhan ay nasa ilalim ng galit ng Diyos (Ef 2:3). Nanga­nga­hulugan ito na hindi makakatagpo ng kaligayahan ang mga tao o matatagpuan ang Diyos hanggang hindi nila buong kababaang-loob na tinatanggap ang nagpa­laya sa atin at siyang daan tungo sa buhay, si Jesucristo.

KASALANANG ORIHINAL

Maaaring magkaroon tayo ng mga pag-aalin­langan kung naituro sa atin na dahilan sa pagkakasala ni Adan kaya tayo isinumpang mabuhay nang malayo sa Diyos at mamatay. Kinokontra kaya ng Diyos ang kanyang sarili, siya na nagsasabi sa atin na huwag parusahan ang sinuman dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga magulang (Dt 24:16)? Kung inilahad ang pahinang ito bilang tunay na pangyayaring pangkasaysayan o bilang kasaysayan ng pagkakasala ng unang tao, maaari pa tayong malito dahil sa ipinahahayag ngayon ng siyensiya tungkol sa pinagmulan ng tao. Paano natin maipalalagay na gawa ng unang taong babago pa lamang nakalalampas sa pagkahayop ang isang kasala­nang may napakabigat na kinahinatnan?

Ngunit nasabi na natin na si Adan ay kuma­katawan sa Sangkatauhan. Kayat pag pinag-uusapan natin ang kasalanang orihinal, hindi ito kasalanan na idinadag­dag sa mga nagawa na natin: Ito’y isa pang paraan ng pagtingin sa kasalanang nasa sangkatauhan. Nanga­nga­hulugan ito na:

1) hindi pagkakasala ng hiwa-hiwalay na mga tao ang ating mga kasalanan: ang pagkakasala ng ating mga ninuno at ng ating kultura ang kumukundisyon at lumilimita sa ating kalayaan mula pa sa simula;

2) mas malakas ang paghingi ng ating katawan at damdamin kaysa ating budhi at nauuna itong kumilos, kaya karaniwan nang ipinakikita ng tao ang kanyang pagkatao sa pagtanggi at pagre­rebelde sa harap ng Batas ng Diyos;

3) kalakip sa kalayaan ng tao ang isang hiwagang nakapagpapagulo sa ating isipan. Sa simula’y naranasan natin na may kapang­yarihan at nakapangyayari sa atin ang Diyos, kaya ikinukubli ng ating pagsamba ang mga damdaming mapang­hi­magsik. Ang Diyos na ito (ang Diyos na pinakikitu­nguhan ni Adan) ay hindi ang tunay na mapagmahal at maawaing Ama.

Pinagtitibay ng Ebanghelyo, lalo na ng kay Juan, na inaalis ni Jesus kay Satanas ang kamkam nitong kapangyarihan sa buong sangkatauhan. Ang kapang­yarihang ito ay hindi niya nakuha nang walang pakikipagsabwatan sa parte natin, at naroon, tiyak, ang isang sangkap ng misteryo ng tinatawag na “pagkadapang orihinal”; hindi natin masabi kung ang kasa­lanang ito ay bukod sa lahat ng iba pa o isa pa itong mukha ng kasalanan ng sang­katauhan na ginawa sa kahabaan ng panahon, na lumalaking parang bolang niyebe mula sa simulang nali­lingid sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Kaya bago pa man lumitaw ang mga unang pagaalinlangan tungkol sa ating kapalaran, binigyang-katwiran na ang mga ito ng ating mga unang kara­nasan: ang pagkabata ay sinugatan na ng karahasan at mga pagkakanulo sa paligid nito at ng pagpapaulan ng mga maling pagpa­pahalaga.

(Tingnan tungkol sa paksang ito ang aklat ni Job, at bigyang-pakahulugan ito gaya ng ginawa ng tradisyon sa kabuuan, hindi bilang aklat tungkol sa pagdurusa kundi bilang pahayag ng pagkasiphayo ng naka­ka­kilala sa Diyos pero hindi siya makatagpo.

SI KRISTO AT ANG KASALANAN NG MUNDO

Para marating ang tunay na pananampalataya at pagpapaubaya sa Ama, kailangang maihanda tayo ng Diyos na personal na dumarating sa atin sa pama­ma­gitan ng kanyang bugtong na Anak, si Kristo. Hinding-hindi tayo ang unang nag­mahal sa Diyos (1 Jn 4:10).

Ang misteryong ito ang sinisikap ipaliwanag ni Pablo sa mga kabanata 1-8 ng sulat sa taga-Roma. Doon niya tinatalakay nang buong lakas ang kasa­lanan ni Adan, hindi para ipaliwanag ang pang­kalahatan ng kasalanan sa kasalukuyan dahil sa kasalanan ng unang tao, kundi para bigyang-diin ang pagliligtas ni Kristo. Si Jesus lamang ang tunay na ulo ng sangkatauhan at siyang makapagbubuklod dito. Sa pagsasalita tungkol kay Adan, gusto ni Pablo na bigyang-katauhan kay Adan ang buong makasalanang sangkatauhan sa harap ng kanyang Taga­pagligtas.

Si Jesus ang “nagbabayad sa kasalanan ni Adan”. Ibig sabihi’y naparito siya hindi lamang para pagbayaran ang kalahatan ng mga kasalanan ng bawat isa, kundi sinisimulan ng kanyang krus at muling pagkabuhay ang daloy ng grasya sa mundo at ang pag­ka­kabuklod sa kabutihang maghahatid sa sang­ka­tauhan sa paglago at pamumungang dapat nitong mara­ting.

Sinasabi nating “binubura” ng binyag ang kasala­nang orihinal: nangangahulugan ito na ang relasyon natin sa Diyos bilang kanyang mga anak na nagsimula sa binyag ay ang pagtatakwil at pinaka­lunas sa maling pagsasarili na nagku­kulong sa tao sa kasalanan at kamatayan.

ANG BABAE – ANG IMAKULADA KONSEPSIYON

Sa pagsasalita tungkol sa supling ng Babae, iniisip ng sumulat ang pakikibaka ng sang­katauhan sa kasamaan, na laging sugatan ngunit matagumpay sa huli.

Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mukha ng isang mananakop, ang Anak ng Tao na siyang bida sa pinaka­importanteng labanan ang lalong bini­bigyang-diin at tinutukoy rito ng mga sumu­sunod na manunulat sa Biblia.

Ang Babae ang sangkatauhan, na siyang nagsi­silang sa Tagapagligtas, sa Tagapagligtas nito na bunga ng kagandahang-loob ng Diyos (Is 45:8). Tung­kol sa Babae rin ang sasabihin sa Pagbubunyag 12. Si Maria at ang Iglesya ang tinutukoy ng larawang ito dahil kapwa pumasok sa pakikipag-isang-dibdib sa Diyos si Maria at ang Iglesya. Ipi­nanganak ni Maria si Jesus; ang Iglesya naman ang ina ng lahat ng ipina­nga­nganak sa tubig at Espiritu at nagiging pinaka­katawan ni Kristo, na unti-unting sumasakop sa lahat ng tao.

Inilalarawan natin si Maria na dumudurog sa ulo ng ahas para ipahayag na iningatan siya ng Diyos mula sa kasamaang umaapekto sa ating lahi. Higit pa rito, hindi nais ng Diyos na ang panahon ng bu­lag na ka­­layaan ng tao ay mapa­lagay sa pagitan ng unang sandali ng paglilihi kay Maria at sa unang pag­hahayag ng Diyos Ama. Kaya mula sa simula’y inihanda na siya ng Diyos na puspos ng grasya upang ang buong buhay niya ay matatag, lumago at mamunga ayon sa ka­ga­napan ng diwa ng pagi­ging anak ng Ama. Ang pribi­lehiyong ito ni Maria ang tinatawag nating Imakulada Konsepsiyon o ang paglilihi sa kanya nang walang anumang dungis.

Si Maria ang ganap na nilalang, na di maihi­hiwalay sa Anak ng Babae, si Jesucristo. Inilagay siya ng Diyos sa gitna ng maraming makasalanan na dapat naman niyang tulungan. Isang Babae (Jn 2:4, 19:26) ang modelo ng lahat ng maliligtas. Si Maria ang bagong Eva at Ina ng mga alagad ni Jesus (Jn 19:26).

4.1 Ang istorya ni Cain, tulad ng Paraiso sa lupa ay hindi pangyayaring pangkasaysayan kundi isang kuwentong panrelihiyon na itinuturo sa atin ang kaibuturan ng kundisyon ng tao sa paggamit ng paghahambing. Ipinakikita nito sa atin ang karahasan bilang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan. Nasa puso ng tao ang mga ugat nito (4:7) at ang mga kalugud-lugod sa Diyos gaya ni Abel (4:4) ay ang unang biktima nito. Sumisigaw sa Diyos ang dumanak na dugo (4:10), at siya ang naggagawad ng katarungan ngunit hindi tulad natin na mapag­higanti at marahas (4:15).

Sa simula’y walang kaugnayan ang istorya ni Cain sa kuwento nina Adan at Eba at ng kanilang mga anak. Ang manunulat ng Biblia ang kumuha nito at siya ring naglagay nito sa lugar na ito. Ini­ugnay niya ang istor­­yang ito sa naunang kuwento sa pagsasabing anak ni Adan si Cain. (Kayat walang lugar para sa walang-saysay na mga tanong tungkol sa kung sino nga ba ang napangasawa nina Cain at Abel: hindi layunin ng Biblia na isalaysay ang mga unang yugto ng lahi ng tao.)

Tulad ito ng pambansang kasaysayan ng tribu ng mga Cainita (o Kenita: Hkm 1:16; 4:17) na na­ging bahagi ng Israel. Ayon sa nasasaad sa mara­ming matandang alamat, si Cain ang nagtatag ng tribu. Pinatay niya ang kanyang kapatid na pu­wedeng maging karibal pa niya, dahil ito ang kun­disyon noon sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa pulitika. At isini­lang ang isang lipunang may iba’t ibang tungkulin (4:19-22); at si Lamec naman ang naging tagapag­salita ng pagpapahalaga sa sarili ng bansa (4:23); matututuhan ng sambayanan ang pagganti sa mga umaapi sa kanila.

Sa paghiram ng manunulat sa Biblia sa alamat na ito, binigyan niya ito ng ibang kahulugan at inilagay ang pakikipag-usap ng Diyos kay Cain bilang hatol sa karahasang ito: “Sa akala mo’y makatarungan ka: Mali! Nakagawa ka ng krimen.” Tulad ito ng pag­sasabi nating: “Ka­y­ong mga nagkukunwaring naglilingkod sa mga sagradong interes ng bansa, hanggang kailan ninyo ililigpit at patatalsikin ang mga di ayon sa inyo?”

Sa Biblia, si Abel ang halimbawa at siya ring pina­kauna sa mga walang-salang pinatay. Ipinahihiwatig dito at sa iba pang talata sa Biblia na iniligpit sila dahil sa pagiging matuwid nila (Mt 23:35; Heb 11:4; Jn 8:44; 1 Jn 3:12).

17. Isinama ng mga banal na awtor sa pagitan ng simula ng mundo at ng simula ng kanilang kasay­sayan (ang pagtawag kay Abraham) ang kanilang nalalaman tungkol sa nakaraan ng sangkatauhan. Nalaman nila ang mga ito sa sarili nilang paraan sa pamamagitan ng mga tradisyon at mga alamat.

• 5.25 Nabuhay si Matusalem nang siyam­naraan anim­­napu’t siyam na taon! Kailangang-kailangang ipasok ang idea na napakahaba ng panahon mula sa simula ng mundo hanggang sa mga ninuno ng bayan ng Diyos, at hindi maparami ang mga pangalan. Gaya ng mga taga-Babilonia bago dumating ang baha, na naglagay ng labing-isang hari na hindi kapani-paniwala ang haba ng buhay, kina­ilangan din ng mga Israelita ang ilang Ma­tu­salem. Inisip ng mga nana­nam­pa­latayang Israelita na sumulat ng tekstong ito na mas magaling kaysa kanila ang kanilang mga ninuno. Inakala rin nila na dahil mas magaling nga ito kaya naman ginantimpalaan sila ng napakahabang bu­hay.

Sa maalamat na listahang ito ng mga ninuno ng sangkatauhan, lumilitaw ang pangalan ni Enoc, ang matuwid, na dinala ng Diyos sa langit tulad ng nangyari kay Elias (2 Mga Hari 2).

• 6.1 Matutunghayan natin sa 6:1 ang isang popular na paniwala ng mga Israelita. Ang mga “Anak ng Diyos” sa simula ay mga diyos, at naging mga ma­kalangit na lingkod ng Diyos. Sa mga unang pahinang ito ng Biblia, natatagpuan natin ang tradisyon ng isang pagsubok sa mga makalangit na nilalang sa simula ng mundo, at ang pagbagsak ng marami sa kanila (Mt 25:41; Pag 12:4; 12:7).

Huwag nating kalimutan na samantalang nani­ni­wala tayo sa pag-unlad ng sangkatauhan, inisip naman ng mga bayan noong unang panahon na mas malakas at mas maraming alam ang kanilang mga ninuno kaysa kanila. Sa pagsasalita nila tungkol sa pagmamataas ng taong nais makipagpaga­lingan sa Diyos, inisip nila na iyon ang kasalanan ng kanilang mga ninuno. Ngunit para sa atin, ang pag­mama­laking ito ay parang mas bagay sa mga kapa­nahon natin na naging palalo sa pag-unlad ng teknolohiya. Subalit maliwanag ang aral: hindi matatagpuan ng “superman”, maging siya man ang maghari sa langit, ang mga daan ng Diyos.

• 5. Balisa tayo lalo sa kasalukuyan pag nakikita natin ang paglaganap ng ilang kasamaan, maging ito’y ang mga bawal na gamot o ang lubos na kawalan ng paghubog na moral sa napakaraming kabataan na di tinuruan ng anuman ng mga nakatatanda sa kanila maliban sa magpasarap sa buhay. Nakikita sa kasay­sayan na nangyayari ang mga krisis kung minsan para maglinis sa pamamagitan ng pagwasak o pagliligpit. Huwag matakot. May nalalabi na laging tatakas sa bagyo at muling magtatayo. Lulubog naman nang buo ang mga bahagi ng ating kultura na madungis. Para magsimula uli, kailangang mawala ang pag-asa sa sarili lamang na nakatatak sa ating pagkatao: kailangan nating tanggapin ang panganga­ilangan sa isang tagapagligtas.

Ayon sa istorya ni Noe, ito ang balak ng Diyos sa Malaking Baha. Pero hindi niya winasak ang lahat kundi iniligtas ang Matuwid na si Noe upang umusbong mula sa kanya ang isang lahing banal. Sa banal na kasaysayan, ipapataw ng Diyos sa taksil na bayan niya ang pinakamabigat na kapahama­kan ngunit lagi siyang magtitira ng Malalabi (Is 4:2-6; 6:13).

Ganito pinili ng Diyos si Noe mula sa lahat ng inapo ni Adan; ganito rin pipiliin si Abraham mula sa lahat ng inapo ni Noe. At si David mula sa mga anak ni Abraham at sa dakong huli’y si Kristo, isa sa mga anak ni David na kinatawan at Tagapag­ligtas ng buong sangkatauhan. Ipina­kikita ng Biblia ang pagkakaibang ito: nag­karoon ng epekto sa buong sangkatauhan ang kasalanan ng isang taong si Adan, at winalang-saysay ang pag-unlad ng sibilisasyon. Kabalig­taran naman nito ang pagtutuon ng pansin ng Diyos sa isang bayan, isang angkan, isang tao na magliligtas sa lahat (Rom 5).

Tulad ni Noe ang may pananampalataya. Payag siyang pumasok sa mga plano ng Diyos at naki­kipag­tulungan sa kaligtasan ng mundo. Hindi sapat na sabihing “May pananampalataya ako.” Maihahatid ba ako ng pananam­palata­yang ito na ma­isakripisyo ang aking sarili para baguhin ang mun­do? Sa harap ng mga pabaya, ng mga tamad at mga bulok, ang taong may pana­nam­palatayang si Noe, ay nagsi­mulang gumawa. At hindi siya nag-alinla­ngan ni pinanghinaan ng loob habang itinatayo niya ang kakatwa at parang walang-silbing barko.

At sumapit ang oras na iniligpit ng Diyos ang mga hindi handa na mas ginustong agad na magpapasarap sa buhay kaysa gumawa para sa kinabukasang itinuro sa kanila ng Diyos (Mik 3:9-12; Sof 2:1-3; Mt 24:38).

Malaki ang impluwensiya ng matatandang ala­mat sa istorya ni Noe. Isinulat ito sa unang pagkaka­taon sa panahon ng Haring Solomon. Nang sumu­nod na mga panahon naman, idi­nagdag ng mga paring Judio ang mga talatang nasusulat sa mas maliit na mga pahilig na titik.

Maraming beses na binabanggit sa Bagong Tipan ang istorya ng Baha (tingnan 1 P 3:20 at 2 P 2:5). Itinuturo nito sa atin na gustong bagu­hin ng Diyos ang ating makasalanang daig­dig. Kaya kailangan ang isang paraan ng pagli­linis at pagsusuri hindi lamang sa masasamang kaugalian kundi maging sa pinakaugat ng ating kultura. Bilang pasimula, kaila­ngang iwaksi natin ang ating pagmamataas at ami­nin na nanga­ngailangan tayo ng isang Tagapagligtas.

Para bang ang Iglesya ang Barkong ito na pina­pasukan natin sa pamamagitan ng pana­nam­palataya at binyag, at tinatanggap tayo ni Kristo, ang bagong Noe. Tiyak na magiging isang pagkakamali kung magkukulong tayo sa loob ng Iglesya na kublihan ng ligtas na at mula rito’y kondenahin ang lahat ng nang­yayari sa daigdig at malimutan ang misyon nating iligtas ang mundo (Jn 3:17). Ngunit huwag nating kalimutan na ang Iglesya ang tanging pag-asa ng mundo at walang anumang gawa ng tao ang maka­papasok sa Kaharian nang hindi dumaraan sa mga tubig na dumadalisay at pumu­puksa.

• 8.20 Kailanma’y di ko na muling isu­sumpa ang lupa dahil sa tao. Sa mga salitang ito, tinitiyak sa atin ng Biblia na hindi madadala ng mga kamalian at krimen ng tao ang kasay­sayan sa ganap na kagu­luhan. Hindi lamang patuloy na magbibigay-init ang araw, ng tinapay ang lupa, kundi sa bawat dantao’y maka­ka­tagpo ng solusyon ang sangka­tauhan sa mga problema nito.

• 9.1 Ang bendisyon ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak (o sa buong sangkatauhan) ay nag­si­silbing paliwanag sa naunang pangako. Bigyang-pansin natin ang mga sumusunod:

Pinagtitibay ang tungkulin ng tao sa pagiging kati­wala ng sangnilikha (b. 2).

Makakain ng tao ang karne ng mga hayop (b. 3) pero hindi ang dugo (ihambing sa 1:29). Para sa kulturang Hebreo, nasa dugo ang kalu­luwa, o ang buhay mismo ng isang nilalang. Kaya ang kumain ng karne ng hayop nang hindi inalisan ng dugo ay parang paglapastangan na sa pagkasagrado ng buhay (tingnan Lev 17:10-14).

Nangangahulugan ang pakikipagtipan ng Diyos sa sangkatauhan (b. 8) at sa lahat ng galing sa Barko na may malasakit ang Diyos sa lahat ng ginagawa ng mga tao: ang kanilang kultura, mga imbensyon, at matuwid na mga ambisyon. Hindi lamang Diyos ng mga suma­­sampalataya ang Diyos kundi Diyos siya ng lahat. Hindi lamang ang kaligtasan ng mga kaluluwa ang hangad ng Diyos: sa pamamagitan ng mapanlikhang gawa ng sangkatauhan, binibigyang-kakayahan niya ang mga tao na umunlad sa kamalayan at respon­sabilidad at inihahanda sila sa paki­kiisa sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Hindi nagpakilala ang Diyos sa lahat ng grupo ng tao, di-tulad sa Israel at pagkatapos ay sa mga Kristiyano. Ngunit sa bawat tao sa bawat bansa, nag­bibigay siya ng mga tanda ng kanyang kalinga at kabutihang-loob sa mga pangyayari sa araw-araw. Ito ang ibig sabihin ng kanyang paanyaya sa kanilang tingnan ang bahaghari para ma­alaala ang kanyang pakikipagtipan (b. 12).

• 18. Sa mga primitibong kultura, sa pagha­hanap ng mga tao sa mga karanasang supernatural, gina­wa nilang sagradong seremonya ang paglalasing. Na­niniwala sila na nasa alak ang mga buhay na pu­wer­sang makapag­pa­patakas sa kanila sa paglipas ng pa­nahon. Isina­alang-alang ng Biblia ang mga kaba­lisahang ito at mas ginugustong paranga­lan si Noe kaysa sumpain.

• 10.1 Ang tatlong anak ni Noe ang mga sagisag na kumakatawan sa tatlong grupo ng tao na bumu­buo sa sangkatauhan ayon sa mga Israelita:

Ang kanilang grupo, ang mga Semita (kabilang dito ang mga Arabo). Tinawag nilang Sem ang kani­lang ninuno na ibig sabihi’y “Ang Pangalan”, na siyang nakaka­kilala at nag-iingat sa Pangalan o ang Presen­siya ng Diyos.

– Ang isa pang grupo, si Jafet na binubuo ng mga bayang Europeo, sila ang bubuo sa imperyo ng mga Griyego at mga Romano.

– Ang isa pang grupo’y ang mga bayan ng Africa, lalo na ang Misraim o Ehipto, at ang Kus o Etiopia. Gayundin ang mga Kananeo na nasa Lupang Banal bago iyon sinakop ng mga Israelita. At dahil laganap noon sa mga Kananeo ang imoralidad sa sex, pina­lalabas sa salaysay na kulang sa pagiging disente si Kam na ninuno ng mga ito. Sa listahang ito ng mga ninuno, magkakahalo ang mga pangalan ng mga bayani sa mga alamat sa listahan ng mga bayan at mga lunsod bilang “mga anak” ng ganito o gayong lahi. Halim­bawa: lahat ng nabanggit sa mga bersikulo 2-6 ay mga bayan at tribu, at hindi mga tao.

• 11.1 Madaling maipakikita na inuulit lamang ng salaysay na ito tungkol sa Tore ng Babel ang ilang bahagi ng mga alamat tungkol sa Babel o Babi­lonia na pinakatanyag na kabisera nang pana­hong iyon, na may mga tisang gusali at kakaibang mga tore na parang di tapos. Sa 11:7, pinanatili ng manunulat ng Biblia ang isang malabong ekspres­yon mula sa mga paganong alamat na ito: kung saan natakot ang mga diyos sa kapalaluan ng mga taong nagbabanta sa kanila hang­gang sa mga bahay nila sa langit.

Maliwanag na kinokondena ng istoryang ito ang mga tunay na krimeng ginagawa sa lahat ng panahon, ngunit tulad ng Baha, pagha­hambing lamang ito o isang talinhaga at hindi tunay na pangyayari.

Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang misyong okupahin ang lupa at pabungahin ito. Ngunit mas ginusto ng mga tao ang kanilang seguridad kaysa maging malikhain. At paraan ng pagbi­bigay-kasiyahan sa kanilang kaya­ba­ngan ang tingin nila sa pambansang kapangyarihan. Sa halip na lutasin ang mga problema ng kawalang-kata­rungan at di-pagkakaunawaan na nasa bawat lipu­nan, mas ginusto nilang iukol ang kanilang mga pagsisi­kap sa mga proyektong makapagpapatanyag sa kanila.

Basta na lamang isinakripisyo ang mga lehitimong karapatan ng milyun-milyong alipin para sa nag­lalaki­hang mga proyekto ngunit nananatili pa ring di tapos ang mga ito. Ang galit at pang-aapi ang nagbibigay-daan sa mga pagkakahating di malulunasan para sa salinlahing susunod o dantaong darating.

Diyos lamang ang makapagbubuklod sa atin: ang unang pangako kay Abraham ay ang gagawing pag­bu­buklod ng Diyos sa lahat ng bansa sa supling nito (Gen 12:3). Sa pagdating naman ng Espiritu Santo sa puso ng mga mana­nampalataya sa araw ng Pente­kostes (Mga Gawa 2), bibigyang-kakayahan silang mag­kain­tindihan sa iisang lengguwahe ng pag-ibig. Isinisilang ang Iglesya at binubuo ng mga taong mula sa iba’t ibang bansa at wika. Saman­talang mag-isang nag­ta­trabaho ang makasa­lanan at isang mapang-api at baog na kulturang lalaki ang pinahahalagahan, ang nananam­palataya nama’y payag na lumikhang ka­sama ng Diyos at nagmamalasakit na mapabuti ng tao ang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa at pagkakabuklod sa iisang Espiritu (Ef 2:14-22).

Nakapukaw ng interes noon ang pagkakaiba ng mga lengguwahe, pati ng mga kultura. Pina­niniwalaan nga­­yon na nagsimulang magsalita ang tao laksa-laksang taon na ang nakalilipas; pero patuloy ang ebolusyon ng lengguwahe, lalo na kung hindi ito isinu­sulat para gawing perma­nente ito. Sa panahong iyon na walang komu­nikasyon ang maliliit na grupo ng tao na naka­kalat sa mga kontinente, ilang henerasyon lamang ang kinakailangan para dumami nang husto ang mga lengguwahe.

• 26. Si Tera ang ama ni Abraham. Ano ang alam ng mga Israelita sa kanilang amang si Abraham?

Dapat nating maunawaan na ang istorya ni Abra­ham ay di tunay na nangyari sa kasaysayan sa lahat ng nasasaad dito. Para itong isang aklat ng pananam­palataya kung saan inilalahad sa atin ang mga yugto at mga karaniwang pag­subok na dinara­nas ng bawat mananam­palataya sa kanyang buhay. Makikita natin ito na ginagampanan ni Abraham.

Humigit-kumulang, may kung anong pina­ni­ni­wa­laan tayong lahat. Nagbibigay-kapana­tagan ito sa atin pero malimit ay hindi natin ito pinangangatawanan. Kaya naman sinasabi ng mga ateo na opyum ang relihiyon. Ngunit ang pananampalataya ayon sa Biblia ay nasa paniniwala sa Kanya na tumatawag sa atin para pumasok sa isang kasay­sayan, sa isang patuloy na pagsulong. At ang ganitong pananam­palataya mismo ang makikita kay Abraham.

• 12.1 Madaling makikita sa mapa ang arkong binubuo ng matatabang lambak ng Mesopotamia at ng mga kapatagan ng Kanaan. Sa loob ng arkong ito’y may mga talampas at mga disyerto na nilalakbay ng tribung nomad na salat sa pagkain at laging naghahanap ng pastulan para sa kanilang mga tupa at mga asno.

Kinainggitan ng mga nomad na ito ang natatanaw nilang mga tagabukid at mga tagasiyudad sa ka­patagan. Kung minsa’y tinatangka nilang agawin ang lupain ng mga ito ngunit karaniwa’y sa negos­yo sila naghaharap o kung kinakaila­ngan ang kani­lang ser­bisyo.

Kabilang ang mga nomad na ito sa lahi ng mga Amorreo, at isa sa kanila si Abraham. Lumipat sa Haran si Abraham at ang kanyang pamilya pati na ang kanyang mga kawan mula sa Ur (11:31), at doon sila nanirahan.

Matanda na si Abraham: Pitumpu’t limang ta­ong gulang si Abram (b. 4), at maraming grupo sa paligid niya ang nagpatimog sa paghanap ng mas matabang lupa. Pero bakit siya susunod sa ka­nila? Lipas na ang panahon niya, at ang masama pa nito’y wala siyang mga anak. Masisimulan bang muli ng taong ito ang kanyang buhay?

Ngunit tinatawag siya ng Diyos: “Lumakad ka, pati ikaw, pagkat may naghihintay sa iyo.” At umalis nga si Abraham, gaya ng maraming kaba­­bayan nating nangingibang-bayan ngayon, na napi­pilitang lisanin ang sariling bayan para maghanap­buhay, hindi alam kung saan pupunta at kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay. Ang tanging alam ni Abraham ay ito ang hinihingi sa kanya ng Diyos para maibigay sa kanya ang matagal na niyang pinakamimithi sa buong buhay niya.

Magpunta ka sa lupang ituturo ko sa iyo. Pina­nga­kuan ng Diyos si Abraham ng lupa at mga anak, at tinanggap ni Abraham ang panga­kong ito. Kahit na matanda na siya, may pag-asa pa rin sa kanyang puso para sa impo­sible at ang pagiging bukas-loob niyang ito o ang kakaya­hang ito para mabago, ang nakalugod sa Diyos nang higit sa anumang mabuting gawa.

Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bayan sa daigdig. Sa isang mundong hati, isang taong walang sariling lupa ang pinili ng Diyos para umpi­sahan ang Kahariang titipon sa lahat. Mula noo’y mga dukha na at mga walang pinanghahawakan sa buhay ang pipiliin ng Diyos para iligtas ang mundo. Sa kanila, at kay Abraham, ipinanga­ko ng Diyos ang Siyudad na walang hanggan (Heb 11:8).

Gagawin kong dakila ang iyong pangalan. Sa totoo’y bale-wala si Abraham at maglalaho rin ang kanyang pangalan at di maaalaala ninuman. Ngu­nit ang pagtawag sa kanya ng Diyos ang magpapalitaw sa kanya mula sa wala. Magsisimula siyang magkaroon ng pangalan at mabuhay sa ilalim ng kalinga ng Diyos na buhay (Mc 12:26).

ANG PANANAMPALATAYA

Nagsisimula sa pag-alis ni Abraham ang tunay na pananampalataya, ang pananampalataya ng bayan ng Diyos.

1) Isinisilang ang pananampalataya mula sa pag­tawag ng Diyos. Hindi utang ninuman sa kanyang sarili ang kanyang pananampalataya at pagbabagong-loob. Hindi si Abraham ang nag­kusang umalis o kaya’y umimbento ng bagong paraan ng paglilingkod sa Diyos. Ni hindi rin siya inimbita ng Diyos na puwede niyang oohan o hindian. Pautos ang tawag sa kanya ng Diyos, at ganito rin ang nangyari sa mga dakilang propeta at mga santo. Ganito sila pinalaya ng Diyos. Sapagkat dahil sa kasalanan, isinisilang at nabu­buhay na parang nasa banyagang lupain ang lahat ng tao. Nakakaalpas sa kanila ang kato­tohanan ng kanilang buhay, hindi sila naka­ugat sa Diyos at nakabuklod sa kanya. Hindi sila pina­hihintulutan ng kanilang mga relihiyon at ideolo­hiyang produkto ng kanilang kultura na lampasan ang mga hangganan ng isang mundong ginawa para bumagay sa kanila. Para mamulat sila sa kani­lang bokasyon, kailangan silang tawagin ng Diyos at kailangan namang loobin nilang lumabas mula sa walang-saysay na takbo ng mga pangyayari.

2) Inilalagay tayo ng pananampalataya sa pagli­lingkod sa Gawa ng Diyos na iligtas ang sangka­tauhan. Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bayan sa daigdig. Maaaring sa umpisa’y inakit tayo ng Diyos sa pama­magitan ng kung anong personal na pagpapala. At saka naman niya ibinabahagi sa atin ang kanyang mga plano sa pagliligtas sa daigdig. Para makasunod kay Kristo at maging bahagi ng kanyang Bayan, kailangang maniwala tayo sa mga pangakong binitiwan ng Diyos sa bayang ito: itinalaga tayo ng Diyos na maging lebadura at liwanag ng mundo.

3) Isang pakikipagsira ang hinihingi ng pana­­nampalataya. Inoobliga tayo nitong tumingin sa hina­harap na hindi pinanghihinayangan ang anu­mang nawala sa init at ginhawa sa sina­pupunan ng ina. Lumalaki ang tao sa paglampas niya sa mga “krisis” ng buhay: pag-alis sa kanyang pamilya, pag­pasok sa trabaho, pag-aasawa… Sa pamama­gitan ng pananam­pala­taya, naga­gawa nating tingnan nang may pag-asa ang mga “pakikipagsirang” ito. At inihahatid din tayo na hara­pin ang mas ma­sakit pang mga “pakikipagsira” na higit na nag­ta­talaga sa atin sa paglilingkod sa Diyos. Ang pana­nam­palataya ang dakilang pamamaraan upang ma­rating ng tao ang paglago at pagiging ma­bunga.

4) Kaiba sa taong “makalupa” na nagtatayo ng kanyang buhay ayon sa panukat ng karu­nungan ng tao at naniniwalang alam niya kung saan siya papunta, ang mananampalataya nama’y naghahanap ng mga palatandaan ng Diyos para makita kung saan siya gustong dalhin ng Diyos. Magpapagala-gala siya hang­gang sa huling araw ng kanyang buhay sa paghahanap ng ibang katarungan at ibang kaganapang higit pa sa makatao (Mt 5:20; Lc 12:32; Heb 11:13).

Ang inapo ni Abraham: tingnan Mt 3:7; Jn 8:33; Mga Gawa 3:25; 13:26; Rom 4:13; Gal 3:8.

Abram at Abraham: Gen 17:5.

• 10. Sabihin mong magkapatid tayo para tratuhin nila akong mabuti… alang-alang sa iyo. Marami ang naeeskandalo sa mababang antas ng moralidad nang panahong iyon at maging kay Abraham man. Nang tawagin siya ng Diyos para maging kaibigan niya, hindi siya nagbagong bigla. Dahan-dahang mangyayari ang pagbabagong ito sa moralidad ng kanyang bayan sa loob ng mara­ming dantaon: matiyaga ang Diyos. May panahon ang bawat bagay. Kailangang pagnilayan natin ito dahil agad tayong naghuhusga nang wala naman sa panahon.

Hindi nagkataon lamang ang pagsasalaysay ng pangyayaring ito rito: mahahalagang bagay ang sinasabi ng mga kuwento. Pinangakuan ng Diyos si Abraham ng lupa. Hindi niya alam kung saan o paano ito ibibigay: hindi nagbibigay ng maraming paliwanag ang Diyos. Ang una niyang naisip ay pumunta at tumingin sa direk­siyon ng Ehipto, isang mayamang lupain na may mga tubigang lambak na ibang-iba sa mga tuyot na burol ng Palestina. Doon niya ibinigay pati ang kanyang asawa kay Paraon para iligtas ang kanyang buhay. Pero ang pagbibigay ng kan­yang asawa ay parang paggawa ng tipan sa Paraon, sa Ehipto – at sa mga susunod na pana­hon malalaman ng mga Israelita sa kanilang kapinsalaan na hindi maganda ang takbo ng mga pangyayari pag sa Ehipto sila umaasa sa halip na sa kanilang tipan sa Diyos. Bukod dito, si Sara ang kanyang asawang tunay, ang “malayang babae” na magsisilang sa tagapagmana ni Abraham ayon sa plano ng Diyos. Sa kagus­tuhan niyang kumilos sa sarili niyang pasya sa halip na maghintay sa oras ng Diyos, muntik nang mawala kay Abraham ang lahat. Hindi sa lupain ng mayayaman darating ang mga biyaya ng Diyos kay Abraham: para sa kanyang mga inapo, ang Ehipto ay lupain lamang ng pagka­alipin ng mga tao.

• 13.5 Nagkaroon ng alitan ang mga lingkod ni Abra­ham at ni Lot. Higit na pina­hahalagahan ni Abraham ang kapayapaan kaysa personal na kapakanan niya kaya si Lot ang pinapili niya ng lupa nito.

Kung sa kaliwa ka pupunta, pupunta naman ako sa kanan. May mga kutob na si Abraham sa pananam­palataya. Hindi pa niya alam na ang lupang pipiliin niya ay isa lamang larawan ng mahiwagang lupa na siyang kaharian ng Diyos sa atin. Subalit sa halip na siya ang pumili, si Lot ang una niyang pinapili. Hindi niya namamalayan ngunit ginagawa niya ito dahil sa pag-ibig. Hindi niya hinahangad ngunit natag­puan niya ang tunay na lupa, na walang iba kundi ang puso ng tao, kung saan nagkakatotoo ang Kaharian ng Diyos, Sa panlabas ay mas mainam ang napili ni Lot pero sa totoo’y siya ang nawalan nito.

Ibibigay ko sa iyo ang buong lupaing nakikita mo. Ito ang lupain ng Kanaan na ngayo’y tinatawag na Palestina. Ito ang “lupang dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan” (Blg 13:27), o lupang pinagpala para maging mabu­nga. Pero wala pa sa pag-aari ni Abraham ang lupang iyon; ipinanga­ngako lamang sa kanya ng Diyos na magiging kanya ang lupain. Nang panahong iyon, mga Kananeo pa ang naroon.

Mahalagang makita kung bakit sa loob ng mga dantaon ay hinubog ng Diyos ang mga tao sa pa­ngako ng isang lupaing kailangan nilang saku­pin. Dahil hindi madidiskubre ng tao ang kanyang dignidad bilang anak ng Diyos kung wala siyang kongkretong inaasahan tulad ng lupa at bahay. Hindi mapauunlad ng tao ang kanyang pagkatao kung wala siyang pagma­mala­sakitan at ipagtatanggol, at kanyang ipagla­laban.

• 14.14 Saan naman galing ang alamat na nababasa natin sa kabanatang ito at saka na lamang isiningit sa kasaysayan ni Abraham? Mula kaya ito sa kagus­tuhang dagdagan ang kanyang kadakilaan sa pagsa­sabing magaling din siya sa pakikipagdigma?

Gayunman, gusto ng Diyos na may-akda ng Biblia na maglaman ng dalawang aral ang salay­say na ito na parang walang halaga:

Pari ng Kataas-taasang Diyos si Melkisedek. Hindi niya tinanggap ang salita ng Diyos tulad ni Abraham. Subalit sa kanyang karanasa’y kilala niya ang tumawag kay Abraham at nakilala rin niya si Abraham. Hinding-hindi nananatiling magka­kahiwalay ang mga taong tinatawag ng Diyos kundi lagi nilang nakakakilala ang iba pang kaibigan ng Diyos. Binayaran ni Abraham ang ikapu, ngunit umalis siyang mas mayaman sa tuwa dahil narinig niya mula sa bibig ng dayu­hang ito ang mga salitang nagpapatotoo sa pag­papala ng Diyos (tingnan Lc 1:39).

Hindi ako kukuha ng anumang sa iyo.’ Walang kukunin si Abraham sa mga nakatira sa Kanaan kundi ang pagpapala lamang na ibinibigay ni Melkisedek sa kanya na, ayon sa kuwento, ay hari ng Salem, ang Jerusalem ng hinaharap, ang banal na lungsod.

Nagdala ng tinapay at alak si Melkisedek. Na­kapag­tatakang tao si Melkisedek! Sa bayang Israel, ang mga hari ay hindi pari, at hindi rin nag-a­a­lay ng tinapay at alak bilang handog. Ngunit nakikita ng Salmo 110 at ng Sulat sa mga Hebreo (5:6 at kab. 7) sa taong ito ang larawan ni Kristong Tanging Pari. Sa kabila ng kadakilaan ni Abraham, ang pagdating lamang ng magkakamit ng pagpapalang ipinangako ng Diyos sa lahat ng bansa ang kanyang pinag­handaan. Ipina­hihiwatig lamang dito ang pagkapari at pagkahari ni Kristo na nagkokonsagra sa tinapay at alak.

• 15.1 Yaweng Panginoon ko… Mama­matay akong walang anak. Pagsapit sa kung a­nong edad, nag-aalala ang tao kung ano ang maiiwan sa kanyang buhay: sa kanyang pag-aasawa, mga anak, mga ta­on ng trabaho. Sa mis­mong sandaling ito pinatutunayan ni Abraham ang kanyang pananampalataya sa pa­niniwala sa mga pangakong parang ma­la­yong mang­yari. Ang pakikipagtipan ng Diyos ang simula ng ka­ni­lang pakikipagkaibigan sa isa’t isa.

Kinilala siya ni Yawe na matuwid. Hindi dahil napakabuti mong tao, o dahil marami kang naitulong sa iyong kapwa o dahil naglingkod ka sa akin nang maraming taon… kundi dahil sinabi ko sa iyo: “Huwag kang matakot” at inilagay mo sa aking mga kamay ang lahat mong pangamba.

Nang araw na iyon, nakipagtipan si Yawe kay Abram (18). Sa buong Biblia marami ang nasusulat tungkol sa Pagtitipan. Ngunit ano ang kahulugan ng pakikipagtipang ito ng Diyos sa mga tao?

Mahal ng Diyos ang lahat ng tao at gusto niyang iligtas ang lahat kahit na hindi nila siya kilala. Pero gusto rin niyang ihatid ang sang­katauhan sa paglago at pagiging mabunga nito. At para magkatotoo ito, kai­langang kahit na isang maliit na grupo ng mga tao sa mundo ang personal na makatagpo ang Diyos dahil ang pagtatagpong ito ang simula ng napaka­halagang mga karanasan.

Sa buong kasaysayan, ganito tinatawag ng Diyos ang mga taong kanyang pinili ayon sa kanyang plano at walang hanggang predes­tinasyon. Sa pakikipag­kasunduan o pakikipagtipan sa kanila, binibigyan niya sila ng pagka­kataong pumasok sa buhay ng katapatan. Maki­kilala nila ang Diyos bilang isang buhay na persona at pakikitunguhan siya bilang gayon nga.

Kaya sa simula ng kanyang gawang pagliligtas sa kasaysayan ng tao, gusto ng Diyos na ibahagi kahit sa isang tao man lamang ang kanyang lihim at maabot nito ang taas ng kanyang mga plano: Naniwala si Abram kay Yawe.

Sa pamamagitan ng gayong pananam­pala­taya, nananahan sa puso at isipan ng sumam­palataya ang walang-hanggang kalooban ng Diyos at mas mahalaga ito kaysa isang tambak na mabubuting gawa. Mula noo’y pag­bu­buklurin ng mahiwagang pagsososyo si Abraham at ang Diyos magpakailanman: ito ang Pagtitipan.


Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham ayon sa mga kaugalian ng panahong iyon. Kapag pinagtitibay ng mga tao ang isang kasunduan, kapwa sila lumalakad sa pagitan ng magkabiyak na hating hayop na inihandog (tingnan Jer 34:18). Tinu­tupad ni Abraham ang sere­monyang ito at sa parte naman ng Diyos, isang apoy ang duma­raan, na kumatawan sa kanya. Ang Diyos ang siyang nagtatalaga ng sarili at nangangako.

Ginagawa tayong kaibigan ng Diyos ng pana­nampalataya: Hab 2:4; Rom 4:2; Gal 3:6; Heb 11:11.

• 16.1 Nababahala si Abraham at hindi pa natutupad ang pangako ng Diyos. Tungkol sa anak na ipina­ngako ng Diyos sa matandang lalaki, hindi kaya kay Agar na isa pa niyang asawa iyon magkakatotoo? At para naman maituring iyong anak ni Saray, di ba’t sapat nang ampunin iyon ayon sa kaugalian ng panahong iyon? Walang imik ang Diyos at si Abraham ang pinalulutas niya sa mga problemang ito ayon sa sinasabi ng napakaprimitibo pa niyang kon­sen­siya.

Pero “palpak” ang plano ni Abraham: ang taga­pagmanang ipinangako sa kanya ng Diyos ay hindi anak na ipinaglihi at ipinanganak “ayon sa laman”, o sa pamamaraan ng tao kundi anak ng himala. Mapapansin dito ang kalayaan ng Diyos na mas ginugustong isakatuparan ang kanyang mga pa­ngako sa panahong parang imposibleng mangyari ang mga iyon.

MGA PANGITAIN AT MGA ANGHEL

Ano ang masasabi natin tungkol sa pagpa­pakita ng mga anghel? Totoo kaya ang mga iyon o paraan lamang ng pagsasalita? Linawin natin ang mga sumu­sunod:

– Huwag nating ipagkamali ang mga anghel sa Anghel ni Yawe. Sa mga huling aklat lamang ng Matandang Tipan (at ng Bagong Tipan siyempre) bina­banggit ang mga anghel ayon sa pakahulugan natin ngayon: mga espirituwal na nilikha na may kanilang lugar sa pagkakaayos ng mundo at sa ka­ligtasan ng mga tao, tulad halimbawa sa Zac 1 at 2 at pati sa Dn 9:21 at 10:12-21. Ngunit ang Anghel ni Yawe naman ang sinasabi ng mga Israelita noong unang panahon, o Mensahero ni Yawe para ipahayag ang maraming bagay na hindi nila maipaliwanag ngunit naglalahad ng pakikisangkot ng Diyos. Nang wasakin ng isang epidemia ang hukbo ng Asiria, sinasabing gawa ito ng anghel ni Yawe: tingnan Is 37:36 at 2 Sam 24:16. Alam nila na walang ma­kakakita sa Diyos, kaya pag nagkakaroon ng pa­ngitain ang isang tao, ang Anghel ni Yawe ang sinasabi nila: tingnan Hkm 6:11.

Ipinakikita ng buong Biblia na nagpapakilala ang Diyos sa di-mabilang na mga pamamaraan sa mga naghahanap sa kanya. Nagsasa­lita siya sa mga pang­yayari; tinatanglawan niya ang puso ng nag­babasa ng Salita; na­ngu­ngu­sap siya sa ating mga kutob at mga panga­rap; nagsasalita sa mga pangitain o mga salita, at kung minsa’y mas deretsahan, sa matalik at espiri­tuwal na paraan, tulad sa mga propeta.

– Ngunit hindi natin matatanggap nang literal ang lahat ng sinasabi tungkol sa mga pangitain o mga salitang tinanggap mula sa Diyos dahil iba ang pa­mamaraan ng paghahayag ng mga tao noong unang panahon kaysa atin. Kapag kinakausap ng isa ang kanyang sarili o kaya’y tinutukso ng masama, may pagkakataong ipinahahayag nila ang panloob na pagninilay na ito bilang pag-uusap ng iba’t ibang tauhan o kaya’y sinasabing ang demonyo o ang Diyos ay nakikipag-usap sa taong iyon: tingnan Jos 7:10 at 1 Hari 3:4.

– Malamang na hindi pareho ang pagkilos ngDiyos sa mga naunang tao ng Biblia gaya ng pagkilos niya sa ating panahon. Sa ngayon, matapos dumating si Kristo, nasa atin na ang lahat sa kanya at sa kanyang Iglesya at hindi na natin kailangan pa ang mga pa­ngi­tain at mga aparisyon. Karaniwan ay inilalaan ng Diyos ang mga ito para sa mga inaakay niya sa isang espesyal na daan. Subalit sa mga unang dantaon ng Biblia, higit na nagpakilala ang Diyos sa ganitong mas nakikita ngunit mas mababang paraan.

• 7. Bumalik ka sa iyong amo. Ito ang salita ng Panginoon sa maraming taong dumaranas ng kaa­pihan, sa mga babae sa isang klasistang lipu­nan na kailangang tumanggap ng nakahi­hiyang mga trabaho upang di mamatay sa gutom kasama ng kanilang mga magulang, sa mga kabataan na matapos mag-aral sa kolehiyo ay saka nauunawaan na liban sa iilang piling tao, mga kaminero lamang pala at mga piyon ang kai­langan.

Sumunod ka sa kanya. Hindi dahil makataru­ngan ang kanyang pagmamalabis kundi dahil kaila­ngang lumaya ka rin sa iyong pagma­mataas. May katwiran kang isipin na mas mahalaga ka kaysa iniaalok sa iyo ng lipunan, pero kung sa mga pangyayari’y hinihiya ka ng Panginoon, magtiwala ka sa kanya at isipin na inihahanda ka ng kahihiyang ito para sa isang misyong mas dakila pa kaysa iniisip mo. Kapag lagi mong isa­saisip na tinatawag ka ng Diyos na maging ma­la­yang tao at magpalaya sa iba, bibigyan ka niya ng pag­kakataon para magawa ito.

Lahay-Roi na puwedeng isalin bilang: Ang nabu­buhay at nakakakita. Siyempre, bukam­bibig ang pi­nang­gagalingan nito, pero gina­gamit ito ng teksto para bigyang-diin ang mahalagang karanasan ni Agar: Sa­pat nang makitang buhay ang Diyos at tinitingnan tayo para mabigyan tayo ng mga pakpak.

• 17.1 Abram na ibig sabihi’y Amang ipinag­pipitagan, at Abraham na ibig sabihi’y Ama ng napakaraming tao. Sa pagpapalit sa pangalan ng kan­yang lingkod, pinapagsisimula siya ng Diyos na mag­bagong buhay at maisa­buhay ang ibig sabihin ng kanyang bagong pangalan. Ganito rin ang gagawin ni Jesus sa unang responsable sa kanyang Iglesya: Jn 1:42.

• 9. Isang matandang kaugalian ng mga bayan sa silangan ang pagtutuli. Pag-oopera itong ginagawa sa ari ng lalaki, pinuputol ang balat na tinatawag na supot. Isa itong “sere­monya ng inisyasyon” sa ilang sambayanan para tang­gapin ang mga nagbibinata sa lipunan ng mga matatanda. Isa itong relihiyosong sere­monya para matiyak ang pagkakaroon ng anak.

Nagkaroon ng bagong kahulugan ang pagtu­tuli sa Israel: ito ang naging tanda ng pagiging kasapi nila sa bayang pinili. Sa pagtutuli lamang makapapasok ang isang dayuhan sa relihiyo­song pama­yanan ng Israel.

Tataglayin ninyong lahat sa inyong laman ang tatak ng aking Tipan. Suot ng babaeng may-asawa ang sinsing na isinuot ng kanyang asawa sa kanyang daliri. Gayundin naman sa mga pumapasok sa samahan: gusto nilang mag­ka­roon ng palatandaan. Kaya kailangang tagla­yin ng lahat ng lalaki sa lahi ni Abraham ang isang di-mapapawing tatak ng pagiging kabilang nila sa lahing pinili: ang pagtutuli ang tandang ito.

Subalit itinuturo ng mga propeta na bale-wala ang pagtutuli sa laman kung wala ang sa puso, na ibig sabihi’y pagputol sa mga bisyo. Walang kuwenta ang panlabas na seremonya kung hindi naman isinasa­buhay ang kahulugan ng tandang ito. Tingnan Jer 9:24; Dt 10:16; Gal 5:4; Fil 3:3; Rom 2:25.

Hindi importante para sa mga Kristiyano ke tuli man o hindi: Mga Gawa 11:3-15; 1 Cor 7:18; Gal 6:15. May bisa lamang ang obligas­yong ito pati na pag­diri­wang ng Araw ng Pahinga, ang di pagkain ng karneng baboy, ang mga pag-aalay at mga seremonya sa templo hanggang sa dumating si Kristo at para lamang sa bayang Judio: Col 2:11 at 2:16-22.

Ba’t kaya maraming tao na wala namang interes sa kanilang pananampalataya ang nagpapabinyag ng kanilang mga anak? Ba’t sila lumalapit at nagpapapahid ng abo?

• 18.1 Para sa mga inapo ni Abraham ang mga pangako ng Diyos: hinding-hindi nga niya makikita ang katuparan ng mga iyon. Ngunit binibigyan ng Diyos ang kanyang kaibigan ng patunay ng gagawin niya: mahimalang ipina­nganak si Isaac. Makatwiran ngang mangamba na baka akalain ng mga anak ni Abraham na mas magaling sila sa iba at isiping ligtas na dahil lamang kabilang sila sa kanyang lahi (Lc 3:8). Sa totoo’y ang mga talagang inapo lamang ni Isaac na anak ng himala na anak ni Sara ang kinilala ng Diyos na mga tagapagmana ni Abraham, at hindi ang iba pa niyang mga anak sa mga babaeng alipin. Itinuturo nito sa atin na walang sinumang may karapatan sa Diyos dahil lamang sa isinilang siya sa ganito o gayong pamil­ya. Magiging atin ang kanyang mga pangako kung tinutularan natin si Abraham sa kanyang pana­nampalataya (Gal 4:21-31; Rom 4:13-17).

Kahanga-hanga ang simpleng istoryang ito: du­ma­rating ang Diyos na anyong-tao para patuluyin ng kanyang kaibigan bago niya ito puspusin ng mga pag­papala. Hindi pangangahasang sabihin ng mga komentarista kung talaga ngang nangyari ito o paraan lamang ng pagsasalita, ngunit alam ng sumasam­pa­lataya na ganito kumikilos ang kanyang Diyos.

Hindi napakikitang mag-isa ang Diyos kundi may kasamang dalawang anghel para burahin ang larawan ng isang Diyos na nag-iisa na siyang iniisip ng mga hindi pa nakaaalam sa misteryo ng Tatlong Persona ng Diyos.

Bakit humalakhak si Sara? Ang halakhak ni Sara ay isa pa sa mga popular na paliwanag na ibinibigay ng Biblia tungkol sa mga pangalan ng mga lugar at mga tao: kaya tatawaging Isaac ang kanyang anak, isang pangalang kasintunog ng “humalakhak” sa wikang Hebreo.

May imposible ba kay Yawe? Tingnan Lc 1:37, 18:27; Mc 11:22.

• 16. Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gaga­­win? Sa oras na maging kaibigan tayo ng Diyos, ipinagkakatiwala niya sa atin ang isang responsabilidad sa mundo. Tulad ng paki­kipag­kaibigan ng mga tao, nanganga­hulugan din ng pagbabahaginan sa lahat ng bagay ang paki­kipag­kaibigan sa Diyos. Tinuturuan tayo ng Diyos na mag-isip tulad niya at kumilos na kasama niya at inaanyayahan tayong humingi sa kanya.

Huwag nating isipin na sa lubos na pagtitiyaga lamang sa panalangin ay makukuha natin ang anu­mang hinihingi natin. Kung hindi para sa ating kabu­tihan ang ating hinihingi, hindi iyon ibibigay ng Diyos. Ngunit gusto ng Diyos na matuto tayong makipag­laban at maging “makulit” para makuha ang gusto niya mismong ibigay sa atin ayon sa kanyang kagandahang-loob. Ayaw niya na basta na lamang ito ipag­pilitan kundi ibigay ito sa mga nakapag­hahangad nito tulad niya. Ayaw kong mamatay ang di-makadiyos kundi magbago siya sa kanyang kasa­maan at mabuhay (Ez 33:11).

Ngayo’y talagang nagiging pangahas ako sa pakikipag-usap sa aking panginoon. Patunay ng kanyang pananampalataya ang kapanga­hasang ito ni Abraham na nagsimulang maki­pagtawaran sa Diyos nang buong-ingat at kata­tagan. Nakipagtalo ang ma­tan­dang Abra­ham sa Diyos na parang nakikipag-usap sa isang kaibigan tungkol sa kung anong negosyo. Bigyang-pansin na nananatiling nakaupo si Abraham habang nakatayo naman sa harap niya ang Pangi­noon. At para sa mga susunod na babasa ng Biblia, para bang kulang ng respeto ang ganito kasimpleng pagtrato sa Diyos kaya pina­litan nila ang pangungu­sap: “Tumindig si Abra­ham para makipag-usap kay Yawe na naka­upo.” Ngunit sinabi ni Jesus na pagsi­sil­bihan niya ang kanyang mga tapat na lingkod tulad ng isang utusan sa kanyang mga amo (Lc 12:37).

• 19.1 Isang pagkakataon marahil para magnilay ang ibinibigay ng alat ng Dagat na Patay at ng guho ng dalawang lunsod na winasak ng lindol – ang Sodom at Gomorra. Alalahanin natin na noong panahong iyo’y parusa ng Diyos ang tingin ng mga tao sa matitinding kapa­hamakan at pagpapala naman niya ang kasa­ganaan. Ganito nagsimula ang salaysay na ito na isang paraan ng pagtuturo ng ilang kato­to­hanan:

– respeto sa mga bisita na kailangang laging pa­tu­luyin na parang mga anghel ng Diyos;

– pagkasuklam sa homosexualidad.

Mananatiling kalunus-lunos na mga pangalan ang Sodom at Gomorra sa banal na kasaysayan at mag­sisilbing patunay na di dapat pagtawanan o ipag­walang-bahala ang mga hatol ng Diyos. Aalalahanin ng mga propeta ang matinding kapahama­kang ito sa pagbababala nila sa mga ayaw magbalik-loob (tingnan Isaias 1:9; Ez 16:49) at gayon din si Jesus sa Ebang­helyo (Mt 10:15; Lc 17:29).

Hindi nagkukulang ang salaysay na ito na bigyang-diin sa pamamagitan ni Lot na hindi kailanman kina­lilimutan ng Diyos ni isa man sa kanyang mga anak kahit na nag-iisa ito sa piling ng mga masama.

Parang di kapani-paniwala ang sagot ni Lot (b. 8). Ngunit ganito ang pag-iisip noong mga panahong iyon. Hindi itinuturing na tao ang mga babae, kayat parang normal lamang na isakripisyo ang isang anak na babae para iligtas ang kaibigan. Tingnan ang medyo katulad nito sa Mga Hukom 19.


• 26. Alalahanin natin na mga tra­disyong-alamat ng mga Israelita ang mga ito upang maipaliwanag ang pinagmulan ng iba’t ibang bayan at ang kaugnayan nila sa mga ito. Dahil sa napakatanda nang galit na naghi­hiwalay sa mga Israelita sa mga Amonita at mga Moabita, ang paliwanag na ito ay hindi para dakilain sila.

• 20.1 Iningatan ng mga Israelita ang mga alaala ng mga alitang namagitan sa kanilang mga ninunong pagala-gala at sa mga bayang nakapaligid sa kanila. Matutunghayan natin sa tatlong lugar sa Genesis ang pangyayaring ito na pinangungunahan ng iba’t ibang mga tauhan sa iba’t ibang mga kalagayan (tingnan 12:24 at 26:7). Ngunit may mapapansing pag-unlad sa mga salaysay na ito kung sunud-sunod na baba­sahin: sa isang banda, ang higit na pagiging maingat sa pagsasalita tungkol sa ugali ng kanilang ninuno; at sa kabila nama’y ang mas malinaw na pagkaunawa sa kasalanan.

• 21.1 Nagmagandang-loob si Yawe kay Sara gaya ng kanyang sinabi. Kaya pagkatapos ng mara­ming taon, tinupad ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. Si Isaac ang anak ng pangako dahil isinilang siya laban sa tanang pag-asa ng tao para matupad ang pangako ng Diyos (tingnan Gal 4:22 at Rom 9:7).

Nagkaanak siya ng isang lalaki kay Abra­ham sa katandaan nito. May ilang kapanganakan sa Biblia na di labas sa batas ng kali­kasan: sina Samuel, Samson, Juan Bautista… mga tagapagligtas silang lahat. Ipina­hihiwatig at ibinabalita ng mga pagsilang na ito ang pagsi­silang ng isang birhen kay Jesus na Taga­pag­ligtas. Ipinagpapauna rin ng mga ito ang ikalawang pagsilang ng mga ipina­nganganak ng Iglesya sa bin­yag.

Kaya ipinanganak ang anak ng pangako: tingnan ang kabanata 18.

Madaling mahulaang ibang bersiyon ang salaysay na ito kaysa ’yung nasa kabanata 16, kung saan tinatawag na Yawe ang Diyos, at binabanggit ang balon sa ka­timugang disyerto, na nagpapahiwatig na galing sa mga tribu ng timog (territoryo ng Juda) ang kuwento. ’Yung nasa kabanata 21 naman ay galing sa mga tribu ng Israel, sa hilaga.

May mga problema sa pamilya ni Abraham tulad din ng ibang mga pamilya, at ginagamit ng Diyos ang mga iyon para isakatuparan ang kanyang plano. Mabuti ang pag-alis ni Agar kasama ang kanyang anak na lalaki upang matanggap ni Isaac ang buong paglingap ng kanyang ama. Matatag na isina­sagawa ng Diyos ang kanyang mga plano, pero wala siyang sinasaga­saang sinuman: masdan kung gaano ang pagmama­lasakit niya kay Agar.

Maraming asawa si Abraham, na pang­karaniwan para sa mga importanteng lalaki sa kanyang komu­nidad. Itinuring na normal ng mga Israelita ang kauga­liang ito sa loob ng maraming taon. Unti-unti lamang ang pag-akay ng Diyos sa kanila para madiskubre ang mga pangangailangan ng kasal.

“Hindi magmamana ang anak ng aliping babae kasama ng anak na lalaki ng malayang babae.” (Gal 4:28; 2 Cor 6:14)

• 8. May mga problema sa pamilya ni Abraham tulad ng anumang pamilya, at ginagamit ng Diyos ang mga iyon para isakatuparan ang kanyang mga plano. Mabuti at umalis si Agar at ang kanyang anak para mapunta kay Isaac ang lahat ng aruga ng kanyang ama. Hindi materyal na bagay para sa kanyang sarili ang mamanahin ni Isaac, kundi ang mga pangako ng Diyos para sa kanyang mga inapo. Matatag na isina­sakatuparan ng Diyos ang kanyang mga plano nang walang tinatapakang sinuman: tingnan ang pagka­habag niya kay Agar.

Maraming asawa si Abraham, tulad ng iba pang mga importanteng lalaki sa kanyang bayan. Sa loob ng maraming taon, itinuring ng mga Israelita na normal ang kostumbreng ito. Sa paglipas lamang ng panahon ipinadiskubre sa kanila ng Diyos ang mga kina­kai­langan sa pag-aasawa.

Ang anak ng aliping babae ay hindi magmamana kasama ng anak ng malayang babae: Gal 4:28; 2 Cor 6:14.

• 22.1 Nasisindak tayo ng salaysay ng pag-aalay kay Isaac: paano nahingi ng Diyos kay Abraham na ialay ang anak nito? Para ma­unawaan ang tekstong ito, kailangang intindihin ito mula sa dalawang pa­nanaw. Una, ang teksto ay pormal na pagbabawal sa pag-aalay sa mga tao. Huwag nating kalimutang nang panahong binubuo ang salaysay na ito, ka­sa­lukuyang isinasagawa ng mga Kananeo ang pag-aalay ng mga anak: maraming Israelita ang sumunod sa halimbawa ng mga Kananeo sa pag-aakalang kalugud-lugod sa Diyos ang ganitong pag-aalay (tingnan ang Jer 19).

Noong una, ipinalagay ni Abraham na kalooban ng Diyos ang pagsunog sa kanyang anak na si Isaac bilang handog pero malinaw na ipinahahayag sa huling bahagi ng salaysay na pinigil siya ng Diyos na maisagawa ito. Sa unang pagbasa, binibigyang-katwiran ng teksto ang pagtubos sa mga panganay. Ang mga unang bunga naman ay sa Diyos; pero di-tulad ng mga panganay na hayop na sinusunog bilang han­dog, tinutubos ang mga anak (Ex 13:13).

Gayunpaman, inaanyayahan tayo ng teksto ng Ge­nesis na matutunan sa tekstong ito ang halimbawa ng walang-pagkasirang pananam­palataya ng patriyarka: sinusubok ng Diyos ang mga kaibigan niya para pa­lakihin ang kanilang pananampalataya. Inilalaan ng Diyos ang pinakamaganda niyang mga kaloob para sa mga nananatiling matatag sa oras na alisin niya sa kanila ang lahat ng pag-asa. Na­buhay si Abraham na nananalig sa mga pangako ng Diyos para sa kanyang anak. Handa kaya siya ngayong isakripisyo ang kanyang anak at ang mga panga­ko? Inilagay siya ng Diyos sa isang daan, ano kaya ang gagawin niya sa araw na maging waring sarado ang daan?

Pagkatapos ng pagsubok, malalaman ni Abraham na mahal niya ang kanyang anak tulad ng pagmamahal ng Diyos, dahil pinili niya ang Diyos kaysa kanyang anak. Alam natin nang may kati­yakan na sinasang-ayunan ng Diyos ang dedikasyon natin sa anumang gawain kung may pagka­kataong naipakita natin na handa nating iwan ma­ging ang gawaing iyon sapagkat ito ang gusto niya. Gayundin naman kung parang gumuguho ang lahat ng pangakong binitiwan sa atin ng Diyos, tanging pag-ibig na tunay ang makapagpa­panatili sa ating tapat sa kanya.

Ngunit walang anumang paliwanag na makapag­papaginhawa sa ating pang-unawa’t damdaming nasu­gatan sa pagkakita sa pag-uutos ng Diyos kay Abra­ham ng napakabigat na sakripisyo para sa isang ama. Wala na bang ibang paraan para ma­­i­hatid tayo sa ganap na pag-ibig? Bagamat su­ma­sampalataya si Abraham at kaibigan ng Diyos, tao pa rin siyang ma­­kasalanan at isang operasyon lamang ang maka­pag­­papadalisay sa kanyang puso. Kayat si Abraham ang namamatay at hindi si Isaac; at sa sakripisyo niyang ito nakakamit ang Buhay (tingnan Lc 17:33; Rom 4:17; Heb 11:19).

Sa salaysay na ito ng pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak, nakikita ng Kristiyanong tradis­yon ang paglalarawan ng Diyos Amang nagbibigay ng kan­yang sariling anak para iligtas ang mga makasalanan. Ba­gamat iba ang paka­hulugan ng Diyos sa mga sa­li­tang sakripisyo, pagdurusa, pag-ibig, kaysa paka­hulu­gan natin, huwag nating isiping walang-pakialam at walang-awa ang Diyos para hingan tayo ng mga sak­ripisyong wala siyang kinalaman (Rom 5; 8; 8:31).

• 23.1 Nilakbay ni Abraham ang buong Palestina nang wala man lamang matutun­tungan ng kanyang mga paa (Mga Gawa 7:5). Pangako lamang ang kanyang pinangha­hawakan kaya siya ang modelo nating mga sumasampalataya na hanggang kama­taya’y nabu­buhay na umaasa sa mga panga­ko ng Diyos. Subalit sa pagkamatay ni Sara, nagkaroon ng pagkakataon si Abraham para bumili man lang ng mapaglilibingan sa kanya.

• 24.1 Hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga dalaga ng Kanaan. Sapagkat si Isaac ang “anak ng Pangako” at ang katapatan sa panga­kong ito ang mabigat na pinoproblema ni Abraham. Ang pag-aasawa ng kanyang anak sa isang Kananea na nasanay na sa paganong pagsamba ay makapaglalagay sa pa­­nganib sa katapatang ito.

At para mapabilang sa pamilya ni Abraham at ma­ging ina ng hinirang na bayan, kailangan din li­sanin ni Rebeca ang kanyang sambahayan at lupain.

Siya ang ituturing kong pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga nag-aasawa na ang pinaka­ha­hangad ay maisagawa ang kanyang kalooban. Tutulungan niya si­lang matagpuan ang taong makatutulong sa kani­lang mas maisagawa ang hangaring ito. Ito rin ang magi­ging aral sa libro ni Tobias.

• 25.1 Madan, Madian, Seba, Dedan: mga panga­lan ito ng mga tribu at mga bayan sa Arabia. Itinuturing sila ng mga Israelita bilang mga kamag-anak nila sa lahi at wika kaya gusto rin nilang maging mga inapo sila ni Abraham.

• 21. Sa simula ng kabanata 12, nakita natin kung paano inilarawan ng mga sumulat ng Genesis ang kanilang ninunong si Abraham bilang ama at ha­limbawa ng mga sumasampalataya. Subalit mas gusto ng mga Israelita na matawag silang “mga anak ni Jacob”. Pinalitaw nilang may mas makatao at di ga­a­nong ulirang mga katangian si Jacob. Kayat kung itinuring nilang huwaran si Abraham, mas nakita naman nila ang kanilang sarili kay Jacob: matalino at medyo mapanlinlang, pero matatag sa kanyang pana­nampalataya.

Ipinangako ng Diyos ang kanyang sarili sa mga inapo ni Abraham, ngunit malaya siyang makapipili kung sino sa mga inapong iyon ang makikinabang sa kanyang mga pangako. Hindi ito ma­pupunta sa panga­nay na anak ni Isaac na siyang dapat magmana sa halos lahat ng meron ang kanyang ama ayon sa kaugalian.

Dalawang bansa ang nasa iyong sina­pupunan (23). Alalahanin natin na sa istoryang ito, bawat tauhan ay kumakatawan sa bayang may katulad na pangalan. Si Jacob-Israel ang itinuturing na ninuno ng bayang Israel, kaya si Esau o Edom (25:31) naman ang iti­nuturing na ninuno ng bayang Edom na kalapit-bansa at kaagaw ng mga Israelita.

Ipinakikita ng mga kabanatang ito ang kalayaan ng Diyos na pumipili sa bayang ito kaysa iba para maging instrumento ng kanyang kaligtasan. Ngu­nit sa mga Israelita ma’y pumipili ang Diyos ng gus­to niyang pagkatiwalaan ng medyo naiibang misyon.

Tatlong dahilan ang ibinibigay sa mga kabanatang ito kung bakit tinanggihan si Esau:

– Sa teksto (kab. 25), ipinapakitang may kasa­lanan si Esau: siya mismo ang bumale-wala sa kanyang sag­radong karapatan bilang panganay na anak.

– Sa ikalawa (26:34) nama’y binabanggit ang tung­kol sa pag-aasawa niya ng mga babaeng dayuhan.

– Sa ikatlo (kab. 27), inilalahad kung paano ginamit ng Diyos ang isang panlilinlang ni Jacob para makamit ang kanyang gusto. Hindi gaanong mahigpit ang mga Israelita tungkol sa pagsisinungaling. Para sa kanila, ipinakita lamang ng panlilinlang ni Jacob na desidido siyang kunin ang mga pangako ng Diyos sa anumang paraan, kaya naman siya ang naging karapat-dapat sa mga pangakong iyon.

Sa Hebreo 12:16, ilalahad si Esau bilang halimbawa ng isang di-makadiyos na ipinagbibili ang pag­­papala ng Diyos para sa isang platong pagkain. Madali nating mai­isip ang maraming tao na dahil lamang sa isang basong alak o ilang pribilehiyo ay ipinagbibili ang ka­ni­­lang karapatan o isinusuko, halimbawa, ang kara­patan ng kanilang unyon bilang mga mang­gagawa, o isina­sakripisyo ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

26.1 Tungkol sa talata 7-11, tingnan ang 20:2. Sa mga kabanata 12-33, natutunghayan natin ang dalawang karaniwang kalagayan sa buhay ng mga patriyarka: mga nomad sila na sa mga tolda nakatira; pagala-gala sila sa paghahanap ng tubig at naghu­hu­kay ng mga balon (tingnan 21:21-34).

Sa mga tolda sila nakatira, ibig sabihi’y pansamantala at walang pirmihang tirahan. Pina­hahalagahan ng Biblia ang paggawa ng tao para makapagtayo ng bagay na nananatili sa mundong ito. Pinupuri nito ang pagpupundar ng isang tirahan, pagtatanim ng ubasan, at pagta­tayo ng bahay (Dt 20:5-7) dahil kaugnay ang lahat ng ito sa mapanlikhang misyon ng tao. Ngunit inaalaala rin ng Biblia ang pagala-galang pamumuhay ng mga ninuno ng Israel bilang isang huwarang di dapat mawala (Jer 35). Hindi natatali sa anuman sa mundong ito ang suma­sampalataya maging sa pa­milya, sariling bayan o pamumuhay. Itinatayo niya ang kanyang tolda saan man puwedeng luma­wak ang kanyang karanasan ngunit hindi nananatili sa alinman. Sa pamumuhay bilang da­yuhan sa mundong ito, ma­giging mas madali para sa kanya na matag­puan ang Diyos na dumaraan ding isang dayuhan sa ating piling (sa Jn 1:14, ganito ang eksaktong salin: Itinayo ng Wika ang kanyang Tolda sa ating piling). Tingnan Ex 33:7, 40:34; 2 Sam 7:7; Sir 24:11; 2 Cor 5:1-4; 1 P 2:11.

Humukay ng mga balon ang mga patri­yarka. Wala silang natagpuang mga bukal ng tubig sa disyerto, kundi kailangang maghirap sa paghukay ng mga balon na magpapabunga sa disyerto at magbibigay ng ma­iinom sa kanilang mga kawan. May mga panahong natutuyo ang tubig; kung minsan nama’y tinatabunan ng mga Pilisteo ang mga iyon. Inilalarawan ng lahat ng ito ang pagsisikap ng tao para matagpuan ang karu­nungan.

Kadalasa’y nananatiling uhaw ang mga tao, at laging may kumakalawkaw sa mga bukal ng karu­­nu­­ngan. Kaya magpapalipat-lipat ang mga tao sa iba’t ibang balon hanggang ibigay sa kanila ni Jesus ang tubig na buhay na bumubukal sa Bato na siya mismo. Tingnan ang Ex 17:1; Jn 4:5-10, 7:38; 1 Cor 10:4; Jer 2:13.

• 28.10 Umalis si Jacob sa Berseba patungong Haran. Umalis si Jacob para mag­hanap ng trabaho at asawa sa lupain ng kanyang mga ninuno. Nagkaroon siya sa daan ng isang pangitain sa pag­papanibagong-tipan sa kanya ng Diyos.

Kaiba kay Abraham na tinawag ng Diyos nang siya’y matanda na’t alam na ang kahalagahan ng buhay, si Jacob ang taong unti-unting namu­mulat sa kanyang bokasyon. Una, binili niya kay Esau ang karapatan nito ng pagkapanganay sapagkat hinus­gahan niya ito at itinuring na iresponsable. Ngunit hindi pa rin niya alam ang presyo ng pagpapala ng Diyos sa kanyang mga ninuno. Pagkatapos ay kai­la­ngang palakasin ng kan­yang ina ang loob niya para makipag­sapalaran siyang nakawin ang ben­disyon. Nagpakumbinsi siya at sa huli na lamang niya naunawaan ang resulta ng kanyang ginawa: kailangang tumakas siya para mailigtas ang kanyang buhay.

Subalit kung kailan kailangang harapin ni Jacob ang mapanganib na buhay ng isang dayuhan at takas, saka niya nakatagpo ang Diyos at sa unang pagkakatao’y nagising siya sa kanyang responsabilidad: sa mundo’y siya ang nag-iisang tagapagdala ng mga pangako ng Diyos. Responsable ang taong alam na may pana­na­gutan siya at kayang panagutan ang kanyang mga kilos. Naiintindihan ni Jacob na dapat siyang managot sa Diyos na humirang sa kanya.

Talaga palang nasa lugar na ito si Yawe. Nag-iisa at walang kalaban-laban si Jacob sa pagtulog niya, malapit sa isang lunsod ng mga banyaga. Ngunit muling pinagtitibay ng Diyos sa kanya ang mga pangakong binitiwan nito sa kanyang mga ninuno at tinitiyak ang kanyang pangangalaga: mapapasaiyo balang araw ang lupang ito.

Ito ang Pinto ng Langit. Nakita ni Jacob na bukas ang langit at bumubuo ng buhay na tulay ang mga anghel ng Diyos sa gitna ng langit at lupa: ito ang larawan ng pakikipagniig sa Diyos na bigong hinahanap ng mga tao sa iba’t iba nilang relihiyon. Makapagbibigay sa atin ang mga ito ng ilang panlabas na kaalaman tungkol sa Diyos at mabibigyang-kasiyahan ang ating likas na damda­ming relihiyoso. Subalit gaano man isaloob ng ta­ong makasalanan ang pag­hahanap niya sa Diyos, hindi pa rin siya mata­tagpuan sa kaibuturan ng kan­yang sarili sa tuwiran at personal na pagta­tagpo.

Si Kristo ang tanging tulay sa pagitan ng Diyos at ng mga tao: ang Anak ng Diyos na naging tao, parehong Diyos at tao. At sa pagtukoy sa teks­tong ito (Jn 1:15), ipahahayag ni Jesus na siya mismo ang Pinto ng Langit, dahil sa kanya niyakap ng Diyos ang sang­ka­tauhan.

Pinangalanan niyang Betel ang lugar na iyon. Matutunghayan natin dito tulad sa naunang mga kabanata ang mga popular na alamat. Bahay ng Diyos ang ibig sabihin ng Betel at pinalalabas ng sumulat ng Biblia na si Jacob ang nagpangalan sa lugar na ito pati na ang kaugalian ng pagbabayad ng ikapu sa templo ng Betel.

MGA PANAGINIP

Nakatatawag-pansin sa ating lahat ang mga pana­ginip at sinisikap nating bigyang-kahu­lugan ang mga iyon. At mas madalas e wala namang ipinahahayag na anuman ang mga ito kundi nag­papahi­watig lamang ng nangyayari sa kalooban natin, sa ating “subconscious”, ng hindi natin na­lalaman nang malinaw tungkol sa ating espiritu. Magagamit ng sikolohiya ang mga panaginip para madiskubre ang mga bakas o mga sugat na hatid ng kahapon.

Maaari ring magpahiwatig o maghayag ng mga kutob at sapantaha ang mga panaginip. Ipinaki­kita sa atin ng Biblia na ginagamit ng Diyos (o ng kan­yang mga anghel) ang mga pa­na­ginip para makipag-usap sa atin. Dito tinatanggap ng Diyos ang tao kung ano siya at isinasaalang-alang ang kanyang pag-iisip. Sa resulta malalaman kung ang Diyos nga ang nakikipag-usap sa panaginip. Sinabi ni Jesus: “Sa bunga nakikilala ang puno.” Sa gayong mga pagkakataon, ang Diyos mismo ang nagbibigay ng paliwanag: hindi natin kailangang maghanap pa o pumunta kaninu­man at iniiwan niya tayong may ganap na kapanatagan.

Para sa mga taong may dinalisay at malalim na pananampalataya, hindi nila masyadong pina­ha­ha­la­gahan ang mga panaginip tulad ng pag­­pa­pa­halaga ng mga sambayanan noong unang pa­nahon sa Biblia. Alam din natin na ang Espi­ri­­tu ng Ka­di­liman ay makapag­papanggap bilang ang­hel (2 Cor 11:14). Kung ngayo’y mala­king bahagi ng sang­ka­tauhan ang parang umaasa sa mga panaginip para sa kanilang direksyon sa buhay, wala itong kinala­man sa pananampalataya. Sa Biblia, bukod sa mga pagtatakwil at pag­tu­l­­­igsa sa Dt 18:10, mababasa rin natin sa Jer 29:8 ang pagbatikos sa mga naka­pa­nana­ginip sa gusto nilang mapana­ginipan. Tingnan din sa Sir 34:1.

• 29.1 Inilalahad ng mga kabanata 29-31 si Jacob bilang masipag at tusong trabahador na nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Nag­tagumpay siya sa wa­kas, hindi talaga dahil sa sariling pagsisikap kun­­di sa pag­papala ng Diyos ng kanyang mga ninuno.

• 32.1 Nasa tumatakas na Jacob ang mga pagpapala ng Diyos. Walang pagod siyang nagtrabaho, at pagkatapos ng labinlimang tao’y may dalawa na siyang asawa, maraming anak at di-mabilang na ari-arian. Sa panahong iyon siya buma­balik sa sariling bayan at naghahanda para harapin si Esau na kanyang kapatid at kalaban.

Lubhang natakot si Jacob at pinanghinaan ng loob. Sa kanyang kabalisahan, nanalangin si Jacob sa Diyos para ipaalaala sa kanya ang Pangako niya at ang kanyang “katapatan”, o ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanya at sa kanyang mga ninuno. At su­masagot naman ang Diyos ayon sa pamamaraan nito, medyo mahiwagang paraan, sa isang pangitain sa gabi.

• 23. Isang lalaki ang nakipagbuno sa kanya hang­gang sa madaling-araw. Pagha­harap ito ng Diyos at ni Jacob. Tinatang­gap ng Diyos ang pag­katalo at ipinagkakaloob ang kan­yang pagbabasbas.

May mga pagkakataong mas nakikilala natin ang sarili sa pagtulog kaysa kung tayo’y gising. Ganito ang nangyari kay Jacob. Sa paki­kipag­buno niya sa Diyos nang gabing iyon, nauna­waan niya na ang kanyang mga pagpa­pagod at mga pagsubok ay higit pa pala sa pakikipag­harap sa lipunan at sa mga tao; isa itong paki­kipagbuno sa Diyos. Pina­ngakuan siya ng tagum­pay ng Diyos ngunit hindi niya ito ibibigay hanggang di nauubusan ng lakas si Jacob.

Sapagkat mas nauunawaan ni Jacob ang dahilan ng napakaraming pagsubok at pagka­balam, kina­kausap niya mismo ang humaharang sa kanya ngayon sa daan at siya lamang maka­pagpapabago sa kalooban ni Esau. Naging malakas si Jacob laban sa Diyos, hindi siya hu­­mi­­ngi ng pabor o kaunting tulong, kundi sina­­­­sabi niyang kailangan nitong tuparin ang kanyang mga pangako: Hindi kita bibitiwan hanggang hindi mo ako binabasbasan.

Ang panalangin ni Jacob ay hindi pagiging sunud-sunuran na ayon sa ilan ay katangian ng magaling na mananampalataya. Hindi lamang pagtanggap sa ka­looban ng Diyos ang pana­langin, na para bang ma­tagal na iyong nakasulat sa langit, o kaya’y paghingi ng lakas para ma­tang­­gap ito: pamimilit din sa Diyos ang pana­langin, taglay ang pananalig sa kanyang mga pangako at kaalamang pinaki­kinggan niya tayo. Kung hindi tayo magkakaroon ng bahagi sa mga pagpa­pasya ng Diyos na may kinalaman sa atin at sa pa­­mamahala sa mundo, magiging huwad ang Tipan.

Sa mga krus na daan ng buhay, sa gitna ng posi­bilidad na manatiling walang pagbabago o mahigtan ang sarili, alam ng sumasampalataya na ibibigay sa kanya ng Diyos itong huli kung hihingin niya iyon nang may pananampalataya.

Hinampas niya ito sa singit at nalinsad iyon. Matapos ang matagal na pagkatapon, naki­kipag­harap si Jacob sa Diyos nang gusto na niyang puwersahang pumasok sa Lupang Pangako. Sa katunaya’y walang iba kundi pagpapaloob sa misteryo ng Diyos ang pag­pasok sa Lupang ito. Gustong ibahagi sa atin ng Diyos ang kanyang buhay ngunit malayo itong mang­yari para sa taong malakas, at nakasisiguro sa kanyang sarili at sa kanyang mga daan. Kaya nga sa pagpasok natin, dumarating ang Diyos para subukin tayo. Anumang dagok o kasawiampalad o krisis ang danasin natin, naiiwan tayong sugatan at para nang mga da­­yu­­han sa daigdig na ito. Pumapasok si Jacob na pipilay-pilay sa Lupang Pangako dahil inilalaan din iyon ni Jesus sa mga umiiyak, sa mga nauuhaw sa kataru­ngan, sa mga di-marahas.

Mula ngayo’y tatawagin kang Israel. Hindi na­wa­wala ang pangalang Jacob o ang kahulugan nito: ang Aktibista, ang Manloloko. Ngunit magi­ging Israel din siya: Malakas-laban-sa-Diyos. Jacob-Israel ang pa­nga­lang tataglayin ng bayan ng Diyos. Sa buo nilang ka­saysaya’y walang-tigil sa pagkakasala ang Israel at maraming beses silang paluluhurin ng Diyos. Subalit lagi pa ring magpapatalo ang Diyos at magpapatawad sa kanyang bayan sa oras na ipaalala nila sa kanya ang kanyang mga panga­ko.

Pagkatapos ng pagwawagi ni Jacob kaila­ngang ma­­pasailalim ng mga plano ng Diyos ang mga pang­yayari. Hindi hinahadlangan ni Esau ang pagbabalik ni Jacob sa lupain ng kanyang mga ninuno.

• 35.1 Hindi maisasabuhay sa pag-iisa ang pa­na­nam­palataya. Kayat sinisimulan ni Jacob na bu­muo ng isang komunidad sa pag-uutos sa lahat ng kan­yang mga tao na alisin ang kanilang mga diyus-diyusan. Nang gawin nila ang kong­kreto at na­­ki­kitang hak­bang na ito na isang malaking sak­ripisyo para sa kanila, sila ang naging unang sam­bayanang may kaka­yahang magbigay-saksi sa mundo sa kanilang pana­nam­pala­taya sa isang Diyos.

22. MGA ANAK NI JACOB

Nabanggit na natin na iniingatan ng Biblia ang ilang alaala tungkol kina Abraham, Isaac, at Jacob sa mga alamat (tingnan sa 11:26). Liban sa tatlong ito, na­pa­tunayan na ang ibang panga­lan tulad ng Ruben, Simeon, Juda… ay hindi ta­la­gang tumutukoy sa mga tunay na tao. May sa­riling paraan ng pag-alaala sa mga lumipas na mga pangyayari ang mga tribung pagala-gala. Lumikha sila ng mga ku­wento na bawat tribu ay kinakatawan ng isang taong may gayon ding pangalan. Halimbawa, labin­dalawang tribu ang nagkabuklod sa iisang bayan: ipinahahayag nila ito sa pagsasabing may labin­dalawang ninuno na may gayong mga pangalan ang mga tribung iyon, at mga anak sila ng iisang ama, si Jacob-Israel. At dahil apat sa mga tribung ito, na mga tribu nina Ruben, Simeon, Levi at Juda ay bumu­buo ng ibang grupo sa simula kaysa kinabibila­ngan ng mga tribu nina Jose at Benjamin, ang mga nasa unang grupo ay itinuring na mga anak ng nag-iisang ina, si Lea na asawa ni Jacob at ang iba nama’y mga anak ng isa pang asawa ni Jacob, si Raquel.

Isang marahas na pangyayari ang tinutukoy ng salaysay sa kabanata 34. May alitan noon ang mga tribu ng Simeon at ng Levi sa sambayanan ng Sikem (isang lunsod ang Sikem at hindi isang tao). Ganito rin ang dapat maintindihan tungkol kay “Laban, ang Arameo” (kabanata 31) at kay Juda at sa kanyang mga anak (38), kay Esau na larawan ng bayan ng Edom, na karatig-bayan at kalaban ng Israel (26:30 at 36:1).

Ipinaliliwanag nito sa atin kung bakit mula pa noong una’y binigyang-interpretasyon na ng mga eksperto sa Biblia ang maraming bagay-bagay tungkol sa kasay­sayan ng mga Patriyarka ayon sa mga simbolo.

Labindalawang tribu ang bumubuo sa bayan ng Israel at lagi nilang gustong alalahanin ang bilang na ito na itinuturing nilang sagrado (tingnan kab. 48). Aalalahanin din ni Jesus ang matandang istrukturang ito ng bayan ng Diyos sa pagtatatag niya sa kanyang Iglesya bilang bagong bayan ng Diyos at sa pagpili niya ng labindalawang apostol para pamunuan ito.

• 37.2 Dito nagsisimula ang istorya ni Jose at nagpapatuloy hanggang sa wakas ng Genesis bilang tulay mula sa mga Patriyarka at sa mga susunod na pangyayari ng Exodo.

Ipinakikita na si Jose na pangalawa sa bun­­­s­ong anak ni Jacob ang pinakaimportante sa labindalawang mag­kakapatid. Sinasabi sa atin ng mga pana­ginip ng ba­tang si Jose na hindi nagkataon lamang ang lahat ng mangyayari sa kanya, kundi may silbi sa mga plano ng Diyos: sa pamamagitan niya ili­ligtas ng Diyos ang buo niyang pamilya sa pagka­gutom.

Ang mahaba at madamdaming istorya ni Jose na ipinagbili ng kanyang mga kapatid at naging taga­pag­ligtas nila.

Mas mahal ni Israel si Jose sapagkat isinilang si Jose sa kanyang katandaan. Siya ang pinakamamahal at siya rin ang pinakapino. Sa piling ng kanyang mga kapatid na may kagas­pangan at walang pa­kun­dangan, nagpa­pakita si Jose ng kadakilaan: mula pa sa kanyang pagkabata, ipinapakita na ng anak na ito ng mga pastol na may magandang kinabukasang naghi­hintay sa kanya.

Dalawa sa labindalawang tribu ang namu­mukod-tangi: ang tribu ng Juda at ng Jose. Tingnan ang paliwanag sa Josue 13 tungkol dito. Kaya laging binabanggit ng mga tradisyon tungkol sa “mga patriyarka” o mga ama ang dalawang anak na ito ni Jacob.

• 12. Umabot sa kabaliwan at krimen ang inggit sa magkakapatid. Hinayaan ng Diyos na magkakasalungat na mga daan ang tahakin ng magkakapatid, ang ilan tungo sa kabutihan, ang iba nama’y sa kasamaan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na pinababayaan at kinali­limutan ng “mabubuti” ang “masasama”. Ililigtas ni Jose ang kanyang mga kapatid. Inaanyayahan tayo ng istoryang ito na makitang ang mga pagsubok ay naghahatid sa atin sa mas espirituwal na buhay. At dinadala naman tayo ng mas malalim na buhay-espirituwal na ito sa mas mabungang buhay-pamilya at panlipunan.

• 38.1 Sa sumusunod na pangyayari, hindi lumi­litaw na marangal ang papel na ginagam­panan ng patriyarkang si Juda ayon sa mga palagay nating bilang mga Kristiyano. Ngunit sa panahong iyon ng napa­ka­primitibo pang mga kaugalian at moralidad, walang masyadong iginigiit ang Biblia tungkol sa moralidad sa sex, kundi ang tungkulin sa pagka­kaanak upang maging mabisa ang mga pangako ng Diyos sa kanilang mga ninuno.

Ang kasalanan ni Onan ay nasa pagtangging mag­karoon ng anak na hindi naman magiging kanya (tingnan ang Ruth 3:7 tungkol sa obligasyong ito na bigyan ng anak ang biyuda ng kapatid).

Ang kadakilaan naman ni Tamar ay nasa kanyang determinasyon na magkaanak sa anumang paraan na siyang magdadala sa pangalan ng una niyang asawang si Er, at magiging tagapagmana ni Juda. Bihirang nata­tampok ang mga babae sa Biblia. Ngunit sa pag­kakaroon nila ng papel, kada­lasa’y para turuan ng leks­yon sa pagpapakatao ang mga lalaki. Dito, pag­karaang pumasok si Tamar sa kanyang buhay, nagsi­mulang mag-isip si Juda, na ngayon lamang nag-isip ng ganito.

Kasama si Tamar sa listahan ng mga ninuno ni Jesus (Mt 1:3).

• 39.1 Pagkaraan ng kanyang kasawiam­palad, na­ging halimbawa naman ng karangalan, katapatan at tiyaga si Jose. Sa Biblia, siya ang una sa mga hinamak na sa Diyos umaasa para sa kanilang gantimpala.

Maraming tagapagpalaya at tagapagligtas sa Biblia bago dumating ang Tagapagligtas na Anak ng Diyos. Sinubok silang lahat bago nag­tagumpay at marami sa kanila ang hinamak ng kanilang mga kababayan.

Ang kuwento tungkol kay Jose at sa asawa ni Putifar ay isang aral sa tunay na pagkalalaki. Para sa Biblia, isa sa mga katangian ng tunay na lalaki ang katapatan at respeto sa pag-aasawa.

• 41.1 Buhay na larawan ng dramang dinaranas ng Ehipto sa gitna ng ulan, irigasyon at tagtuyot ang ibinibigay ng mga panaginip na ito at ng mga pang­yayaring kasama nito. Ayon sa tradisyong Hebreo, si Jose ang nag-organisa ng mga bodega ng mga sobrang ani sa Ehipto bilang paghahanda sa darating na tag­­tuyot. Binibigyang-diin ang ka­tapatan ni Jose at ang hindi pagpapabaya sa kanya ng Diyos kailan­man. Hindi pa alam ng mga mana­nampalataya nang panahong iyon ang ka­bilang-buhay. Kaya mahalagang maipakita nila kung paanong ginantimpalaan sa buhay na ito ang matuwid na si Jose para sa kanyang pagtitiyaga.

• 42.1 Ito ang simula ng mahabang salaysay tungkol sa pagkikita ni Jose at ng kanyang mga ka­patid.

Pansinin kung paanong inoobliga ni Joseng taga­pagligtas ang kanyang mga kapatid na pagbayaran ang krimeng kanilang ginawa. Isa sa kanila ang dapat mag-alay sa sarili para sa kanyang kapatid bago mag­pakilala si Jose. Hindi inaalis ng kapata­wa­ran ang pa­ngangailangang pagbayaran ang ginawang kasa­maan.

• 46.1 Naririto ang mahalagang resulta ng pakiki­pagsapalaran ni Jose. Pumunta si Jacob sa Ehipto kasama ang buo niyang pamilya. Nanirahan ang mga Hebreo sa Ehipto at parang na­limutan na nila ang lupain ng Kanaan na nilakbay nina Abraham at Jacob kasama ng kanilang mga kawan at ipinanga­ko ng Diyos sa kanila. Ilang dantaon silang mana­natili sa Ehipto hanggang pamunuan sila ni Moises pabalik sa lupain ng mga Pangako. Bahagi ng plano ng Diyos ang matagal na pagkaantalang ito.

• 47.13 Sa Ehipto, ang lupa ay pag-aari ng Pa­raon: dahil sa napakahigpit na pama­malakad, naitatakda niyang magkaroon ng kaparte sa ani ng lahat ng magsasaka. Sina­sabi sa kabanatang ito na si Jose ang namahala nito.

• 48.1 Sa totoo’y labintatlo ang labin­dalawang tribu ng Israel. Ngunit ang mga tribu nina Efraim at Manases ay tinatawag na mga tribu ni Jose. Kaya la­bindalawa lamang ang bilang. Ipinalili­wanag sa ka­banatang ito kung bakit nagkagayon. Ituturing na dalawang anak ni Jacob sina Efraim at Manases bilang kapalit kay Jose. At hindi sa panganay kundi sa mas nakababata sa magka­kapatid mapupunta ang pagbabasbas ni Jacob, tulad ng kay Isaac na kanyang ama. Pinagpapala ng Diyos ang sinumang gusto niya at hindi dahil sa kara­patan ng pagka­ka­sunud-sunod o dahil sa kagustuhan ng mga magu­lang.

• 49.1 Hindi sa kanyang mga anak ang mga pagbabasbas ni Jacob kundi sa labindalawang tribung nagtataglay ng kanilang mga pangalan. Magkakaroon ng magkakaibang kapalaran ang mga tribung ito. Parang sinasabi ng pagba­basbas ni Jacob na alam ng Diyos antemano ang mga kahihinatnang ito at bahagi ang mga ito ng kanyang plano ng kaligtasan sa ka­bu­tihan ng lahat ngunit hindi pare-pareho ang ibini­bi­gay niya sa lahat.

Namumukod-tangi ang mga tribu nina Juda at Jose. Para kay Juda, may propesiya na ang kanyang tribu ang mangingibabaw sa iba pa hang­­­gang sa pagdating ng Tagapagligtas na “siyang tunay na mamumuno”. Sa totoo’y sa tribu ng Juda magmu­mula ang mga hari ng bayan ng Diyos at si Jesus mismo pagkatapos nila. Kayat si Juda ang tumanggap ng mga pangakong binitiwan ng Diyos kina Abraham at Jacob.

Kadakilaan naman at materyal na kasaganaan ang propesiya tungkol kay Jose.

• 50.15 Bigyang-pansin ang pagkamatay nina Jacob at Jose: hindi pa alam ng mga sumasampalataya noong unang panahon ang Pagkabuhay ng Mga Patay. Isinabuhay nila nang lubos ang buhay na bigay sa kanila ng Diyos sa daigdig na ito. Pinat­nubayan sila ng matibay na paniwalang sa pagiging matapat nila sa kanilang misyon ay gumagawa sila para sa isang mas mabuting daigdig na makikita ng kanilang mga inapo. Sa mahaba at maligayang mga taon na ibinigay sa kanila ng Diyos pagkatapos ng kani­lang mga pag­subok, naunawaan nila na maka­tarungan at nagma­magandang-loob ang Diyos sa lahat.

Subalit napakalaki ang kulang nila upang malubos ang kasiyahan habang wala pa silang pag-asa sa kabilang-buhay. Inisip nila na pagkamatay ng tao, may kung anong bahagi niya ang pumu­punta para ma­buhay sa ilalim ng lupa sa piling ng kan­yang mga ninuno, isang lugar na wala ang Diyos pati na ang mga kabalisahan at ingay ng buhay. Akala nila’y paba­bayaan na silang maglaho magpa­kailanman ng Diyos na kanilang kaibigan at matapat na tagapag­tanggol. Tiyak na kinailangan nilang sansalain ang kanilang mga pag-asam at patahi­mikin ang kanilang mga pag­dududa para makumbinsi ang kanilang sarili na iyon ang mabuti at maka­tarungan.

Sa pagsisikap nilang tanggapin nang maluwag ang mga pangyayari, naging seryoso sila, masusi at nasa ilalim ng mahiwagang kalooban ng Diyos. Ngunit kapalit naman nito’y wala sa kanila ang kaligayahan, ang pagiging natural na bagay sa mga bata, at ang maalab na pagma­mahal sa kanilang Tagapagligtas. Sa bahaging ito, wala silang ga­anong ipinag-iba sa mabu­buting walang-Diyos o sa mga mananam­palatayang may mabu­ting kalooban pero walang gaanong alam, na nabubuhay ngayon nang walang pananam­palataya sa muling pagkabuhay.






Walang komento:

Komentaryo

Lumang Tipan
Bagong Tipan
<script type="text/javascript">var _sttoolbar = {}</script><script src="http://w.sharethis.com/widget/stblogger.js" type="text/javascript"></script><script type="text/javascript">stBlogger.init('http://w.sharethis.com/widget/?tabs=web%2Cpost%2Cemail&charset=utf-8&style=default&publisher=a82d6eab-bb39-4666-9e85-f50162bcd06b&popup=true');</script>